SA panayam ng “Tawag ng Tanghalan” sa It’s Showtime grand finalist na si Arabelle Dela Cruz sa Tonight with Boy Abunda, inamin ng pambato ng Laguna na big fan siya ni Sarah Geronimo.

“Yes po, magmula bata pa po ako. Siya po ‘yung kinagisnan ko na singer na puro kanta niya ‘yung kinakanta ko nung bata pa po ako,” sabi ni Arabelle.

Paano niya iniiwasang magkapareho sila ni Sarah sa istilo ng pagkanta. “As a singer po, kailangan mo maging unique. Kailangan meron kang own style para po hindi ka po mai-compare. Kung mai-compare ka naman po, meron pa rin kayong pagkakaiba,” aniya.

Hindi man pinalad si Arabelle na masilat ang korona sa tinanghal na TNT grand winner na si Janine Berdin, masaya naman daw ang magandang singer dahil tuluy-tuloy ang suporta ng Kapamilya sa kanyang singing career.

Vic Sotto, nasaktan sa ginawa ng TAPE sa Eat Bulaga

Hindi pa nabibigyan ng chance na magkaharap-magkausap sila ng idolo niyang si Sarah G., at sakali raw na mangyari na ito, may gusto siyang sabihin sa kanyang idolo.

“Na siya po ‘yung isa sa mga inspirasyon ko kung bakit gusto kong marating ‘yung pong dapat na mararating ko, and isa po siya sa mga dahilan kung ba’t po nabuo ‘yung pangarap ko.”

Nakita na rin daw niyang minsan si Sarah at na-starstruck siya.

“Nababa po ako sa hagdan sa may lobby. Kasama ko po nun si Mommy. Napatigil po ako nun sa paglalakad tapos nanigas ako, tapos kalabit ako nang kalabit kay Mommy,” kuwento ni Arabelle.

Dagdag pa niya, ang mommy niya ang lumapit kay Sarah para makapagpa-picture si Arabelle kasama ang idol niya.

Nang tanungin si Arabelle kung ano ang gusto niyang kanta kung sakaling makaka-duet niya si Sarah, sinabi niyang aawitin nila ang unang kanta ni Sarah na natutuhan niya, ang To Love You More.

-Ador V. Saluta