Batay sa mga paunang imbestigasyon, lumalabas umanong ambush ang nangyaring misencounter sa pagitan ng mga pulis at mga sundalo sa Samar nitong Lunes, na ikinamatay ng anim na pulis at ikinasugat ng siyam na iba pa.

Sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Oscar Albayalde na batay sa initial analysis na ibinatay sa mga tama ng bala na natamo ng mga pulis, at sa pag-iinspeksiyon sa lugar ng bakbakan, matutukoy na nasa mataas na lugar ang mga operatiba ng Philippine Army nang paulanan ng bala ang mga pulis.

“If we would look at it, you would see that the soldiers are on a vantage position because they were there five or six days before our elements entered into the area,” sabi ni Albayalde.

Ang nasabing vantage position, ayon kay Albayalde, ang magpapaliwanag kung bakit mistulang sniper shots ang natamo ng ilan sa mga pulis.Paliwanag niya, bilang bahagi ng combat tactic, ang mga nasa vantage position ang dapat na tumiyak na tatamaan ang target, at bahagi ng panonorpresa sa mga bakbakan.

Lacson, tila nagpatutsada sa ilang nag-file ng COC: 'The following are not disqualified...'

Gayunman, nilinaw ni Albayalde na hindi pa pinal ang nasabing analysis, at ang mismong imbestigasyon ng Board of Inquiry (BOI) ng PNP ang magbibigay-linaw sa tunay na nangyari.

“This is the reason why we created a BOI, to determine if what happened was a case of ambush or not,” ani Albayalde.

Sa kabila nito, sinabi ni Albayalde na ambush man ang nangyari o hindi, ang mas malaking katanungan na dapat bigyang-linaw ng BOI ay kung bakit hindi nakilala ng mga sundalo na mga pulis ang pinagbababaril nila, gayung naka-uniporme naman ang mga pulis.

Anim na pulis ang nasawi at siyam na iba pa ang nasugatan nang inakala ng magkabilang panig na mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang kanilang mga kalaban.

Nauna sa lugar ang mga sundalo, na halos isang linggo na roon, kaugnay ng ulat ng presensiya ng mga rebelde sa liblib na bahagi ng bayan ng Sta. Rita. Nasa lugar naman ang mga pulis para sa test mission sa commando training.

Inaasahang ilalabas ng BOI ang resulta ng imbestigasyon nito sa susunod na linggo.

-AARON B. RECUENCO