HUNYO 8 nang opisyal na ideklara ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang simula ng tag-ulan sa bansa. Nauna rito, nakararanas na tayo ng mga pag-ulan sa Metro Manila, partikular na pagsapit ng hapon. Matapos ang matinding alinsangan ng tag-init ay halos araw-araw naman ang buhos ng ulan ngayon.

Para sa ilang tao, hindi magandang balita ang hatid ng tag-ulan. Ang mga pagbaha, pagguho ng lupa at iba pang kalamidad ay karaniwan nang nangyayari kasunod ng malakas na ulan tuwing ganitong panahon. At seryoso ang mga pangambang ito. Ang pagbibigay ng proteksiyon sa buhay at mga ari-arian ang prioridad tuwing may kalamidad.

Subalit iba’t iba ang kahulugan ng ulan sa iba’t ibang tao. Kinatutuwaan ito ng mga bata. Isa sa pinakamagagandang tanawin tuwing malakas ang ulan ay ang mga batang naglalaro at naghaharutan habang naliligo sa ulan. Naaalala ko noong bata pa ako, sa Tondo, naglalaro rin kami sa ulan ng mga kaibigan ko. Kahit pa pagbawalan kami ng aming mga magulang, nag-uunahan pa rin kaming lumabas sa basang kalsada upang maglaro.

Nagdudulot ng malawakang baha ang walang tigil na pag-ulan. Ikinatutuwa namin ito dahil ilang oras kaming makakalibre sa paglangoy! Marumi ang tubig, subalit tiyak akong hindi kasing dumi ng baha ngayon. Masasaya ang mga alaalang iyon.

Eleksyon

Vendor, kakandidatong senador; nanawagan ng tulong para sa anak na may rare disease

Noong estudyante pa ako, ang tag-ulan ay nangangahulugan ng mas matagal na pagbababad sa kama para matulog, lalo na kapag may bagyo at suspendido na ang klase. Imagine n’yo ‘yong ilang oras kayong nakahiga lang sa kama habang nakikinig ng mga paborito n’yong kanta sa radyo, hanggang sa mapabangon sa nalanghap na champorado at tuyo mula sa kusina. Ito ang tinatawag na sarap-buhay.

Kahit ngayon, ang tunog ng ulan ay nagpapaalala sa akin ng panahon noong simple lang ang buhay ko kasama ng aking mga kalaro. Iyon marahil ang isa pang hatid ng tag-ulan—mga alaala. Kahit para sa matatanda, ang pagninilay tuwing tag-ulan ay isang oportunidad upang balikan ang mga alaala ng pagiging bata ng bawat isa sa atin.

Para sa ilan, kalungkutan ang hatid ng ulan. Umuulan din ba noon nang makipaghiwalay sa ‘yo ang iyong nobya? Umuulan din ba nang iwan ka ni Nanay upang magtrabaho sa ibang bansa?

Hatid ng tag-ulan ang pagkakataong magmuni-muni. Mistulang umaaliwalas ang isipan ng tao, at higit na nakakapag-isip nang maayos tuwing tatanawin mula sa bintana ang pagbuhos ng ulan. Matapos kong lisanin ang pulitika noong 2013 para balikan ang pagnenegosyo, naalala ko ang maraming panahon ng tag-ulan na naglalagi lamang ako sa aming patio at pinagmamasdan ang marahas na paghapay ng mga halaman sa aming hardin kasabay ng malakas na bugso ng hangin.

Naaalala ko kung paano kong pinakikinggan ang mistulang nag-uunahang patak ng ulan sa kalapit na koi pond. May pagkakataong naliliwanagan ang aking pag-iisip, at nakatutulong ito sa pagbibitiw ko ng mahahalagang desisyon sa buhay.

Isa ito sa mga pagkakataong nanindigan ako sa pasya kong tutukan ang pagsabak sa retail. Sa kabila ng pag-aalinlangan ng ilan sa aming team members, tumuloy pa rin kami at inilunsad ang Coffee Project, Bake my Day, All Day at All Home.

Awtomatikong nagpapabalik-alaala ang tag-ulan, nagdudulot ito ng kalungkutan o kasiyahan, pag-asa o lumbay, kaligayahan o kawalang-sigla. Ang ulan ay maaaring luha mula sa langit, o patak ng ulan na nakapagpapakalma.

Subalit simbolo rin ng muling pagsilang ang tag-ulan. Napansin n’yo ba kung paanong pinagaganda ng ulan ang ating mga komunidad? Pinasisigla ng ulan ang mga damo, halaman at puno sa ating paligid. Binubura rin nito ang panunuyo at bitak sa mga kongkretong kalsada.

Marahil may mensahe ang ulan tungkol sa buhay—na matapos ang alinsangang dulot ng tag-init, asahan nating muling mabibigyan ng panibagong sigla ang lahat pagsapit ng tag-ulan.

Bakit nga ba nagiging masyado akong sentimental ngayon na nagmimistula na akong melodramatic? Ah, marahil dahil ‘yon sa ulan.

-Ric Valmonte