July 23, 2026

Home BALITA National

Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera, kinalampag ang PhilHealth sa 'policy gap'

Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera, kinalampag ang PhilHealth sa 'policy gap'
Photo courtesy: Bernadette Herrera/Maria Lourdes Sutil (FB)/MB File Photo

Nanawagan si Bagong Henerasyon (BH) Party-list Rep. Bernadette Herrera sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na agarang tugunan ang umano'y "policy gap" sa sistema ng benepisyo nito matapos mag-viral ang Facebook post ng isang biyuda, hinggil sa nangyari sa kaniyang mister na hindi nakatanggap ng anumang benepisyo sa kabila ng pagiging aktibong miyembro ng ahensya.

Sa Facebook post ni Maria Lourdes Sutil noong Biyernes, Hunyo 12, sinabi niyang nagkaroon ng brain hematoma ang kaniyang mister, subalit hindi umano naibigay ng ahensya ang benepisyo ng asawa bilang naghuhulog na miyembro, dahil sa polisiyang wala pang 24 oras itong naka-confine sa ospital.

Sa isang social media post, ibinahagi ni Herrera ang tungkol sa nabanggit na viral post at naka-tag pa sa opisyal na Facebook page ng PhilHealth.

"Nagbayad siya ng PhilHealth. Legitimate at medically necessary ang treatment niya. Pero dahil nahulog siya sa pagitan ng dalawang polisiya, wala siyang nakuha ni isang PhilHealth benefit para sa araw na iyon. At iyan mismo ang policy gap na matagal ko nang tinutukoy," saad ni Herrera.

Binigyang-diin ng mambabatas na matagal na niyang itinataas ang isyung ito maging noong budget hearings at sa iba't ibang panayam.

National

'Kiyapo,' lalakas bilang tropical storm; signal no. 1, nakataas na!

"Hindi dapat nawawalan ng benepisyo ang isang miyembro dahil lang hindi pasok ang sitwasyon niya sa isang administrative box. Ang sistema ang dapat umaangkop sa pangangailangan ng pasyente," saad niya.

Ayon pa kay Herrera, natulungan ang naturang pasyente matapos silang makipag-ugnayan sa PhilHealth at mabigyan ng assistance sa pamamagitan ng direct claim process sa tulong ni PhilHealth Vice President Bernadette Lico.

Gayunman, sinabi niyang hindi ito ang pangunahing usapin.

"May natawagan ako. May access ako. Paano naman ang ordinaryong Pilipino na walang kakilala sa PhilHealth?" tanong ng kongresista.

"Hindi dapat kailangan ng koneksyon para makuha ang tamang serbisyo mula sa gobyerno. Hindi dapat kailangan ng pabor para ma-avail ang benepisyong matagal mo nang binabayaran."

Dahil dito, muli niyang hinikayat ang PhilHealth na repasuhin at baguhin ang umiiral na polisiya upang hindi na maulit ang ganitong sitwasyon sa iba pang miyembro.

"Meet the gaps. Fix the policy. Protect the members," aniya.

Samantala, agad namang tumugon ang PhilHealth sa mga inilatag na concerns ng mambabatas, batay na rin sa post ni Herrea, sa pamamagitan ni PhilHealth President Edwin Mercado.

Sa kanilang pahayag, sinabi ng ahensya na nauunawaan nila ang isyung ibinangon ni Herrera at tiniyak na isasama ito sa mga susunod na pagtalakay sa policy board.

Ayon umano kay Mercado, ang mga naunang reporma gaya ng pagtanggal sa Single Period of Confinement rule at 45-day benefit limit ay bunga rin ng mga ganitong pagsusuri sa mga umiiral na polisiya.

"This also calls for a whole-of-society approach," ayon sa PhilHealth.

Binigyang-diin din ng ahensya na may responsibilidad ang mga partner hospitals upang matiyak na walang pasyenteng maitataboy o mapagkakaitan ng serbisyong medikal dahil sa kakulangan sa kakayahang magbayad.

Kasabay nito, sinabi ng PhilHealth na makikipag-ugnayan din sila sa Department of Health (DOH) upang higit pang mapalakas ang pagpapatupad ng Anti-Hospital Deposit Law.

Nagpasalamat naman si Herrera sa agarang pagtugon ni PhilHealth President Edwin Mercado sa kaniyang mga ipinabatid na alalahanin.

"Thank you for this—and yes, the Anti-Hospital Deposit Law should really be strictly enforced!" ani Herrera.

Bukod kay Herrera, kinalampag din ni Sen. Bong Go ang nabanggit na ahensya, at ipinagdiinang pera ng taumbayan ang pondong nasa PhilHealth kaya nararapat lamang na magamit ng taumbayan ang mga serbisyong maihahatid nito.

Maki-Balita: 'Di ito katanggap-tanggap!' Sen. Bong Go, kinalampag PhilHealth sa viral post ng biyuda

Kaugnay nito, naglabas na rin ng opisyal na pahayag ang ahensya hinggil sa isyu.

Maki-Balita: PhilHealth, nagsalita tungkol sa viral post; pasyente, nasawi at ‘di na-avail ang benefits?

Patuloy namang nananawagan ang mambabatas para sa mga repormang magtitiyak na lahat ng nagbabayad ng kontribusyon sa PhilHealth ay makatatanggap ng nararapat na benepisyo anuman ang kanilang sitwasyon sa oras ng pagkakasakit.