MAGALING gumawa ng isyu ang administrasyong Duterte. Ang maliit na bagay ay napapalaki. Tingnan ninyo ang isyu ng tambay o mga taong kumakalat o naggugrupo-grupo sa mga publikong lugar, pinakialaman na sila ng mga pulis. Dinarakip at ipinipiit dahil lumabag sa ordinansang nilikha ng pamahalaang lokal. Hindi na sila pwedeng mabagansya na noong nakaraang panahon ay ito ang katwiran ng mga awtoridad para hulihin at ikulong ang mga taong gabi na ay nasa lasangan pa.
Wasto lamang na pulis ang magpairal nito dahil ang vagrancy ay krimeng pinaparusahan ng batas nasyonal. Eh ibinasura na nga ang batas na ito dahil masyado itong hindi makatarungan dahil ang hinuling lumabag umano dito ay nagtatagal sa piitan kaysa parusang dapat niyang pagsilbihan. Isa pa, gagala-gala ka lang sa iyong bansa o nakita ka lamang na nakaistambay sa lansangan ay may kasalanan ka na. Wasto rin naman na ipairal ang ordinansang ipinagbabawal ang tumambay lalo na sa gabi, kung naglalayong gawin itong paraan sa pagsugpo ng krimen. Pero tama si Sen. Ping Lacson, trabaho na ito ng pamahalaang lokal.
Pero bakit sa kabila ng mga ganitong ordinansa, maluwag ang mga pamahalaang lokal at hindi nila gaanong ipinatutupad ang mga ito. Kasi, sila ang nakaaalam ng kalagayan ng kanilang mga nasasakupan. Saan makahihinga ng maginhawa ang mga nakatira sa estero at tambakan ng basura at sa mga bahay na magkakadikit? Sa mga taong ang kanilang tahanan ay napakasikip sa dami ng miyembro ng kanilang pamilya? Isa pa, nakagawian na ng mahihirap na pagkatapos magtrabaho maghapon ay hahanap ng kaginhawaan ng kanilang isip at katawan. Eh ang makipagkwentuhan at makisalamuha sa kanilang kapwa ang tangi nilang paraan.
Gusto ba ng awtoridad na gawin nila ito sa kanilang bahay na sa miyembro lang ng kanilang pamilya ay wala nang espasyo? Kultura at kahirapan ang totoong inaaresto ng pulisya. Hindi mga maykaya ang tinatamaan ng kanilang “Oplan Galugad” dahil kultura man ang magkita at magbalitaan, mayroon silang espasyo. Puwede nilang magamit dito ang kanilang mga tahanan o kaya naman ay restaurant sila magkikita-kita.
Pero, hindi sa makitid na pananaw ko isinasaalang-alang ang “Oplan Galugad.” Lumaki itong isyu dahil nga sangkot na rito ang karapatang sibil at pantao ng mamamayan. Tulad ng sinabi ko, kayang gawing malaking isyu ng administrasyon ang hindi gaanong pinapansin dahil may mga konsiderasyong nakapaloob dito na makabibigat sa mamamayan. Naghamon pa nga si Pangulong Duterte na ang kumukuwestyon dito ay magtungo sa Korte Suprema. Para dito matuon ang pansin ng taumbayan? Eh may higit na mahalagang isyung dapat pahalagahan nila, isa na rito ay ang regular nang paglapag ng eroplano ng China sa kinalalagyan ng Pangulo sa Davao.
-Ric Valmonte