Sa paghihigpit ng admission policies sa pampublikong higher education institutions (HEIs), pinaalalahanan ng Commission on Higher Education (CHED) ang mga estudyante na nais makapagpatuloy sa kolehiyon na mayroon pang ibang options o “exits” para sa kanila.

“The intention of the law is to provide a range of options to students who want to go to higher education,” sinabi ni CHED Officer-in-Charge (OIC) at Spokesperson J. Prospero De Vera III kaugnay sa Republic Act (RA) 10931 o ang “Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA).

“What the law provides is options, what option you’ll take, that’s the decision of the student,” aniya.

Aminado si De Vera na maraming estudyante ang hindi makakapasok sa State Universities and Colleges (SUCs) at sa Local Universities and Colleges (LUCs) dahil sa mas mahigpit at mas istriktong admission policies sa pagpapatupad sa Free Higher Education Law.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file sa pagkasenador at party-list sa huling araw

Sa kasalukuyan, ang lahat ng 112 SUCs at 78 LUCs na accredited ng CHED ay makikinabang mula sa UAQTEA. Inaasahan ng CHED na tinatayang 1.4 milyong estudyante ang makikinabang sa RA 10931 na ipatutupad simula sa Academic Year (AY) 2018-2019. Gayunmanm, hindi maaaring tanggapin ng public HEIs na ito ang lahat ng aplikante dahil restricted sila ng kanilang carrying o absorptive capacity.

Sinabi ni DE Vera na ang mga estudyante na hindi makapapasok sa SUCs o LUCs, ay maaaring kumuha ng Technical-Vocational Education and Training (TVET) na sakop din ng RA 10931 sa ilalim ng Technical Education Skills and Development Authority (TESDA).

Binanggit din ni De Vera ang iba pang components ng RA 10931 na magbibigay din ng pagkakataon sa mga estudyante na makapagpatuloy sa kolehiyo.

Halimbawa, ang Tertiary Education Subsidy (TES) o grants-in-aid component, ay maaaring mag-accommodate ng 300,000 beneficiaries na mag-aaral sa mga pribadong unibersidad.

“There’s no stopping them to go to private universities if they don’t make it to SUCs or LUCs,” aniya.

Maaari ring mag-apply ang mga estudyante para sa national Student Loan Program (SLP), na isa pang component ng free higher education law.

-Merlina Hernando-Malipot