Dalawang umano’y drug pusher at apat na adik ang inaresto ng pulisya sa magkakahiwalay na anti-illegal drugs operations sa Valenzuela City, nitong Biyernes ng hapon hanggang kahapon.

Naunang dinampot sina James Rodriguez, 41; at Ariane Rose Guzar, makaraang bentahan umano ng ipinagbabawal na gamot ang ipolice poseur-buyer sa Morong Street sa Saint Jude Subdivision, Barangay Malinta, dakong 3:30 ng madaling araw.

Natukoy sa imbestigasyon ni SPO1 Jerry Terte, ng Valenzuela Police, na matagal na umano nilang sinusubaybayan ang ilegal na gawain ng dalawa.

Nasamsam umano sa dalawa ang pitong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang droga at marked money.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Kalaboso rin ang inabot ng apat na naaktuhan umanong bumabatak sa talahiban sa kabila ng malakas na ulan sa Daang- Bakal, Bgy. Malinta, ng nasabing lungsod.

Arestado sina Mark Kinompas, 24; Federico Velasco, 43, parehong taga-Bgy. Palasan, Valenzuela; Gerry Villaserda, 29, ng Daang- Bakal, Bgy. Malinta; at Geraldo Labore, 46, ng Miranda St., Bgy. Balubaran.

Sa report sa Valenzuela Police headquarters, binanggit ni Chief Insp. Jowilouie Bilaro, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), na nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen kung saan binanggit na namataan ang apat na suspek na bumabatak sa naturang lugar, dakong 1:00 ng hapon.

Bukod sa dalawang transparent plastic sachet ng shabu, nakumpiska rin sa mga suspek ang mga drug paraphernalia.

Sina Rodriguez at Guzar ay nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article 11 ng Republic Act 9165 habang ang apat pang suspek ay naman sa kasong paglabag sa Sections 11, 12 at 15 ng Article 11 ng nasabi ring batas.

-Orly Barcala