ISINUSULONG ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol ang malawakang paggamit ng bansa ng solar-powered irrigation system (SPIS) na aniya’y mas mura, mas mabilis buuin, mas maraming kayang itanim, at maaaring makapagbigay ng sapat na ani.

Ayon kay Piñol, ang kasalukuyang sistema ng National Irrigation Administration ay hindi sapat sa kinakailangang irigasyon ng bansa.

“We have land, but the issue is providing water there. So, we must think out of the box,” pahayag ni Piñol sa pagdiriwang ng ika-67 anibersaryo ng Bureau of Soils and Water Management (BSWM), kamakailan.

Sa datos ng Department of Agriculture, sa 3.9 milyong ektaryang palayan sa bansa, 1.2 milyong ektarya lamang ang may irigasyon.

Ang mas malaking 2.7 milyon ektarya ay umaasa lamang sa ulan kaya isang beses lamang kada taon nakapagtatanim ang mga magsasaka rito.

Ipinaliwanag ni Piñol na taon ang inabot ng NIA upang maitayo ang isang conventional irrigation system kasama ang dam.

Ito, aniya, ang dahilan kung bakit hindi makamit ng bansa ang kinakailangang irigasyon, na naglilimita sa mga sakahang dumedepende lamang sa ulan.

Sinabi ni Piñol na 80,000 ektarya ang kailangang mabigyan ng irigasyon kada taon, ngunit 30,000 ektarya lamang ang kayang bigyan ng patubig ng NIA, na nagreresulta sa kakulangan sa 50,000 ektarya.

“It’s impossible to catch up if we just rely on the conventional way of irrigating,” ani Piñol.

Sa kabilang banda, ilang buwan lamang ang gugugulin upang buuin ang SPIS. Ang buong kagamitan ay naglalaman na ng solar panel na gumagamit ng sikat ng araw upang makalikha ng elektrisidad para sa sistema, pump at ang makina para sa operasyon kasama na ang imbakan ng tubig at mga tubo na daluyan ng tubig para sa mga sakahan.

Ayon sa Kalihim, aabot lamang sa P105,000 kada ektarya ang magagastos sa SPIS, mas mura kumpara sa kinakailangang P400,000 kada ektarya para sa pagbuo ng irigasyon ng NIA.

Marso nang nakaraang taon, inilunsad ng gobyerno ang isang SPIS prototype sa North Cotobato kung saan panauhing-pandangal si Pangulong Rodrigo Duterte. Sa ngayon, 40 ektaryang palayan ang nabibigyan ng patubig mula sa mga dating umaasa lamang sa buhos ng ulan.

Dagdag pa ni Piñol, isa pang pasilidad ang nakatakdang buksan ngayong buwan sa probinsya ng Nueva Ecija na magbibigay sa mga magsasaka ng Caridad Norte at Sur Irrigators Association of the Central Luzon ng pangalawang beses na pagtatanim sa loob ng isang taon.

Target ni Piñol na makapagtayo ng 117 SPIS sa buong bansa ngayong taon, upang mabigyan ng irigasyon ang nasa 5,000 ektaryang sakahan.

PNA