Sugatan ang mag-live-in partner makaraang pagtatagain ng tatlo nilang kapitbahay na umano’y nairita sa kanila sa Muntinlupa City, kahapon ng madaling araw.

Nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Muntinlupa ang biktimang si Samuel Baring y Sedurante, 30, construction worker, dahil sa tatlong taga sa ulo habang nagtamo naman ng sugat sa kamay si Salve Apues y Baring, 28, kapwa ng Sitio Anahaw 7A Extension, Ilaya Street, Barangay Alabang ng nasabing lungsod.

Pinaghahanap na ng mga pulis ang mga suspek na sina Erick Samson; Miguelito Gonzaga at isang alyas Tolits, pawang nasa hustong gulang.

Sa ulat ng Southern Police District (SPD), naganap ang pananaga sa loob ng bahay ng mga biktima, dakong 12:00 ng madaling araw.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa inisyal na imbestigasyon, base sa pahayag ng testigong si Elisa Baring y Sedurante, 41, nasa loob siya ng kanilang bahay nang makarinig nang malakas na boses at hinahanap ang kapatid niyang si Samuel.

Paglabas niya, nakita niya ang tatlong suspek na armado ng itak at sapilitang pinasok ang bahay bago pinagtataga sa ulo ang kanyang kapatid habang nasugatan naman sa kamay si Salve nang tangkaing awatin ang mga suspek.

Agad tumakas ang mga suspek sa hindi batid na direksiyon.

Isinugod naman ang mga biktima sa naturang ospital upang malapatan ng lunas.

Bago ang pananaga, nagtalo umano si Samuel at ang kapitbahay niyang si Elna Samson, kapatid ni Erick, matapos pagsabihan ng una na bawasan ang kanilang pag-iingay sa kanilang birthday party na ikinagalit ni Elna at nagsumbong kay Erick.

Nagsasagawa ng follow-up operation laban sa mga suspek.

-Bella Gamotea