Temporary victory lamang para sa 71-anyos na madreng Australian ang pagpapalawig ng Department of Justice (DoJ) sa pananatili niya sa bansa.

Ayon kay Atty. Katherine Panguban, legal counsel ni Sister Patricia Fox, hindi sila magpapakampante kahit na pabor sa madre ang desisyon ng DoJ, dahil hanggang sa susunod na buwan lang naman pinalawig ang pananatili ni Fox sa bansa.

Nitong Biyernes, naghain ng petition for review si Fox sa DoJ, at kaagad na inatasan ng kagawaran ang Bureau of Immigration (BI) na idepensa ang pasya nitong pawalang-bisa ang missionary visa ng madre at paalisin ito sa bansa.

Sa dalawang-pahinang kautusan ni Justice Secretary Menardo Guevarra, binigyan ng 10 araw ang BI upang magkomento sa naging apela ni Fox, at may limang araw naman ang madre para magbigay ng kanyang komento hinggil sa naging pahayag ng immigration officials.

National

Bilang ex-DepEd chief: VP Sara, masaya sa naitayong museo sa Camarines Norte

Tiniyak naman ni Panguban na gagawin nila ang lahat ng legal remedies upang maibalik ang missionary visa ng dayuhang madre.

Sa kabila nito, sinabi ni Fox na tuloy lang siya sa kanyang missionary works, kabilang na ang pagtulong sa mga magsasaka at sa mga Lumad.

Tinaningan ng BI si Fox para lisanin ang bansa hanggang nitong Mayo 25, pero dahil inaprubahan ng DoJ ang petisyon ang petisyon ng madre, maaari pa siyang manatili sa bansa hanggang sa Hunyo 18. (Beth Camia)