Makukumpleto na ng Philippine National Police (PNP) ang mahigit 4,000 case files ng mga namatay sa war on drugs, ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde.

Ayon kay Albayalde, bago pa man ipag-utos ng Korte Suprema na isumite sa loob ng 15 araw ang naturang dokumento ay sinimulan na nila ang pangangalap ng mga case files.

Aniya, ang naging problema lang ay kulang ang panahon na ipinagkaloob ng Korte Suprema para makumpleto ng PNP ang lahat ng hinihinging dokumento.

Kamakailan lang ay humiling ang Office of the Solicitor General, na kumakatawan sa PNP, sa Korte Suprema ng karagdagang 60 araw upang makolekta ang lahat ng mga case folders.

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

Bukod sa case folders, kasama rin sa hinihingi ng Korte Suprema ang statistics ng internal cleansing ng PNP; drug watchlist; reports kaugnay ng mga sinasabing drug war victims na sina Aileen Almora, Rowena Aparri, at Jefferson Soriano; at buy-bust incidents sa San Andres Bukid, Maynila mula Hulyo 1, 2016 hanggang Nobyembre 30, 2017; listahan ng warrants at warrantless arrests sa high-value target police operations; at listahan ng case under investigation sa ilalim ng PNP Internal Affairs Service.

-Fer Taboy