Mahigit 160,000 pulis, na suportado ng libu-libong sundalo at civilian volunteer, ang ipakakalat sa mga lansangan malapit sa mga voting precinct ngayong Lunes, upang mahigpit na bantayan ang karaniwan nang marahas na eleksiyong pambarangay sa bansa.

Sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde na Biyernes pa lamang ay sinimulan na ang deployment sa mga pulis na itinalaga upang tiyakin ang seguridad sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections, bagamat ang bulto ng mga ito ay ipinakalat simula kagabi hanggang ngayong Lunes ng umaga.

“The PNP has 190,000 uniformed personnel and we expect at least 160,000 to be deployed during the Election Day to guard the polling centers,” sabi ni Albayalde.

Inaasahan namang tututukan ng elite police forces mula sa Special Action Force (SAF), Regional Public Safety Battalion, at Provincial Public Safety Company ang mga hot spot areas sa bansa.

Probinsya

Asawa ng mastermind sa pagpatay sa mag-asawang online seller, nagpadala raw ng lechon bago ang krimen?

Ayon kay Chief Supt. John Bulalacao, tagapagsalita ng PNP, inatasan ang mga pulis na paigtingin ang police visibility at pagsasagawa ng mga checkpoint laban sa mga armadong grupo at iba pang banta sa kaayusan.

“We also have some personnel who are ready to serve as board of canvassers, if and only if, the teachers and their replacements would not show up due to intense threat in some areas,” sabi ni Bulalacao.

Mahigpit pa ring ipinaiiral ang gun ban simula nitong Abril 14 at mananatili hanggang sa Hunyo 14. Ipinatutupad na rin ang liquor ban simula kahapon hanggang ngayong Lunes.

Aabot na sa 1,157 katao ang naaresto sa paglabag sa nationwide gun ban simula nitong Abril 14. Karamihan sa kanila ay sibilyan, habang kabilang din sa mga violator ang anim na pulis at anim na sundalo.

May kabuuang 996 na baril at halos 7,000 patalim at iba pang armas ang nakumpiska.

Batay sa datos ng intelligence at monitoring unit ng PNP, mayroong 7,915 election areas of concern sa halalan ngayong Lunes. - Aaron Recuenco