Ni Reggee Bonoan

CUTE ang trailer ng So Connected nina Jameson Blake at Janella Salvador, magaan ang kuwento at hindi namin namalayan habang pinapanood namin na nakangiti pala kami.

Kahit kabilang kami sa Generation X, napapangiti pa rin kami ng kuwentong pag-ibig para sa millennials.

Dahil sa cellphone ni Karter (ginagampanan ni Jameson) na ninakaw sa kanya at nabili ni Trisha (Janella) ay nalalaman ng binata ang lahat na nagaganap sa buhay ng dalaga araw-araw.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Naging interesado tuloy ang binata sa dalaga at inalam kung paano niya ito makikita ng personal hanggang sa kalaunan ay na-hook na pala siya at nalaman niyang magkasundo sila sa maraming bagay.

Tungkol sa soulmate ang pelikula ni Direk Jason Paul Laxamana na siya rin ang sumulat under Regal Films at mapapanood na simula Mayo 23.

Sa mediacon, natanong si Janella kung naniniwala siya sa konsepto ng soulmates.

“I believe in soulmate. It doesn’t necessarily have to be romantic naman,” sagot ng aktres.

Natagpuan na ba niya ang soulmate niya?

“Sasabihin ko sa inyo kapag nahanap ko na ang soulmate ko.” Sabay sabing, “Sana siya na, sana.”

Naging curious tuloy ang lahat sa mediacon kung sino ang tinutukoy ng dalaga.

Natawa ang dalaga at sabay sabing, “Puwede ba natin siyang pag-usapan dito? I don’t think lang na it’s the right venue to talk about that.”

Oo nga naman, wala sa tamang pagkakataon dahil si Jameson ang leading man ni Janella sa So Connected kaya sila ang dapat magkakonek.

Anyway, pareho sina Jameson at Janella na gustong makatrabaho ang isa’t isa.

“Pareho kasi kaming cowboy. Hindi siya ‘yung parang mapi-feel mo na unapproachable. He’s very friendly at siguro, ‘yun ang naging koneksiyon namin. Hindi siya mahirap kausap,” kuwento ng dalaga.

Nalaman naman daw kaagad ni Janella na hindi si Elmo Magalona ang leading man niya nu’ng ialok sa kanya ang So Connected.

“Actually, bago pa nila in-offer ‘yung movie, inunahan na nila ‘ko na, ‘O, hindi si Elmo ang leading man mo rito, ha? Parang sinabi nga sa akin na may movie nga for me na ino-offer ang Regal.

“When I heard the story and nu’ng nabasa ko ‘yung script, nagandahan talaga ‘ko. Na-explain naman nila sa akin kung bakit hindi si Elmo, ‘yun ngang sinabi ni Direk na predictable.

“But na-realize ko rin, I mean, no offense sa mga love team, of course. Ako, I’ve been in a love team, and I personally enjoyed it, and it was really a good experience.

“Pero ang sa akin lang, it can also help actors and actresses if you get paired with other people. It doesn’t necessarily mean na wala palang relationship with the person na naka-work mo before.

“Kaya nga, this is our job, we’re actors and actresses. It doesn’t have to be real in real life talaga for people to feel your emotion,” paliwanag ng dalaga.

Tama naman ang sinabi rin ni Mother Lily Monteverde na hindi na uso ang love team ngayon, at dapat subukan ding makipagtrabaho sa iba ang magkaka-love team para hindi pagsawaan ng tao.

Kasama nina Jameson at Janella sa So Connected sina Chai Fonacier, VJ Mendoza, Cherise Castro, Kystal Brimmer at Paulo Angeles.