Ni Celo Lagmay
MISTULANG umuusok ang aking cell phone dahil sa sunud-sunod na pagtawag ng ating mga kapatid sa propesyon – lalo na ng mga kumakandidato sa iba’t ibang puwesto – kaugnay ng eleksiyon bukas sa National Press Club (NPC). Sa kanilang lahat, ipinahiwatig ko ang katiyakang bumoto kahit halos paika-ika na tayo sa paglakad. Wala akong natatandaang pagliban sa gayong halalan simula nang ako ay maging miyembro ng naturang organisasyon ng mga mamamahayag, halos pitong dekada na ang nakalilipas.
Binigyang-diin ko sa mga tumawag sa akin: Panatilihin ang labanang magkakapatid sa NPC polls bukas at maging sa kanilang pangangampanya. Ang naturang halalan ay hindi dapat itulad sa labanang pampulitika na nilalahukan ng mga naghahangad maluklok sa iba’t ibang posisyon sa ating pamahalaan; mga eleksiyon na malimit makulayan ng hindi kanais-nais na mga karahasan dahil lamang sa pag-aagawan ng kapangyarihan.
Ang NPC elections ay hindi dapat mabahiran ng anumang anyo ng hidwaan, iringan at iba pang pangyayari na magiging dahilan ng paglalayu-layo ng ating mga kapatid sa hanapbuhay. Panatilihin natin ang samahang magkakapatid sa isang organisasyong itinuturing nating “second home of journalists.” Ang NPC building ang palaging tagpuan at pinaglilibangan ng mga miyembro ng media pagkatapos ng kanilang mga gawain sa pinaglilingkuran nilang peryodiko, himpilan ng radyo, at telebisyon.
Bigla kong naalala ang isang madamdaming eksena nang ako ay unang kumandidato sa NPC presidency, halos tatlong dekada na ang nakararaan. Tatlong partido ang naglaban-laban mula sa iba’t ibang pahayagan. Ang aking kapatid na si Boy Acosta ang kumakatawan sa Philippine Daily Inquirer, si Max Buan ang kandidato ng Philippine Journal Group of Publications, samantalang ako naman ang inilaban ng Manila Bulletin.
Puspusan ang pangangampanya naming mga kandidato – sa NPC compound at sa iba’t ibang media outfit. Subalit muling nagkikita-kita sa ating “second home”. Malimit na kami nina Roy at Max ay sama-samang kumakain, nag-iinuman at kung minsan ay nagdedebate sa iisang mesa. Natitiyak ko na laging mauulit ang ganitong madamdaming eksena kung hindi lamang ang ating kapatid na si Roy at Max ay naunang sinundo, wika nga, ng ating Panginoon. Sumalangit nawa ang kanilang kaluluwa.
Anuman ang maging resulta ng halalang idaraos bukas, nais kong ilambing sa ating mga kapatid sa media: Laging yakapin ang tunay na diwa ng Journalists Code of Ethics; at laging ipagtanggol ang press freedom.