PATULOY na nangunguna ang Kuwait sa mga pahayagan ngayong linggo, sa pagpapatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpadala ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa mga bansang Arabo, na iniutos ang pagpapalayas sa Philippine Ambassador matapos kumalat ang video ng dalawang minaltratong OFW na tumatakas sa tulong ng mga empleyado ng Embahada ng Pilipinas.
Ngayong linggo rin, ipinagdiriwang natin ang Araw ng Paggawa at ang naging paglagda ni Pangulong Duterte sa executive order (EO) na nababawal sa pagpapatupad ng illegal contracting at subcontracting o “endo” na kulang pa rin ayon sa mga labor groups.
Inilabas din ngayong linggo ang resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey, na nagpapakita ng pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa 23.9 porsiyento ng populasyon o tinatayang 10.9 milyong katao mula sa 15.7% o 7.2 milyong katao noong nakaraang taon.
Ang mga ito ay magkaibang nangungunang balita, ngunit may mapapansing pagkakatulad. Lahat ay may kaugnayan sa problema ng kawalan ng trabaho sa Pilipinas, na nagreresulta sa kahirapan.
Sa kasalukuyan, may mga Pilipinong nagtatrabaho sa Kuwait, Saudi Arabia, Estados Unidos at iba pang mga bansa dahil walang nakalaang trabaho para sa kanila dito sa Pilipinas. Karamihan naman sa mga nakahanap ng trabaho dito sa Pilipinas ay kontraktuwal lamang. At mas mapalad pa ang mga ito kumpara sa mga walang mahanap na trabaho, na kabilang ngayon sa 10.9 milyong Pilipino base sa ulat ng SWS survey.
Nagpalabas si Pangulong Duterte ng executive order nitong nakalipas na Araw ng Paggawa, na nagpaparusa sa ilegal na kontraktuwalisasyon, ngunit sinasabi ng mga pinuno ng mga labor groups na maraming manpower agency ang hindi tumatalima sa minimum wage law at hindi rin nagkakaloob ng mga benipisyo tulad ng Social Security System (SSS). Sinabi ng Pangulo na kailangang lumikha ng Kongreso ng mas epektibo at pangmatagalang solusyon kumpara sa maaaring mailaan ng isang executive order.
Ang ekonomiya ngayon ng Pilipinas ay suportado ng maraming programa, tulad ng sistema sa pagtatrabaho sa ibang bansa. Ang remittances mula sa ating mga OFW ay malaking tulong upang manatili sa takbo ang ating ekonomiya. Mapalad tayo na marami tayong naaakit na Business Process Outsourcing operations. At marami na ring dayuhang kumpanya sa ating mga Philippine Economic Zones, na lahat ay may lokal na kasosyo at empleyado.
Subalit ang nais nating makamit ay ang pambansang pag-unlad ng ekonomiya kung saan nagtutulung-tulong ang mga pamahalaan at mga pribadong negosyo sa pagbibigay ng mas maraming trabaho. Ang inisyal na pagsisikapan ng kasalukuyang administrasyon ay ang labanan ang ilegal na droga, kurapsiyon, kriminalidad, at terorismo. Subalit sa pagsisimula ng programang “Build, Build, Build”, kumpiyansa tayo na nakatuon ang atensiyon nito sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa bilang buo at indibiduwal na mamamayan.