Bumisita kamakailan sa bansa ang high-level delegation mula sa Hong Kong at Shanghai, China upang hikayatin ang mga Pilipinong negosyante na makibahagi sa programang Belt & Road na magpapalawak sa kalakalan sa rehiyon sa paglikha ng modernong “silk road.”
Binubuo ng 40 punong negosyante na kumatawan sa iba’t ibang industriya, tulad ng arkitektura, enerhiya, consultancy, waste at water treatment, engineering, konstruksyon, transportasyon, serbisyong legal, at accounting galing sa Hong Kong at Shanghai ang delegasyon ng Hong Kong Trade Development Council (HKTDC), sa pakikipagtulungan ng Shanghai Federation of Industry and Commerce.
Sa pulong, ipinaliwanag ang mga bentahe ng Hong Kong at Shanghai bilang “super connectors”, na mag-uugnay sa Pilipinas sa mainland China at sa buong mundo.
“Our economic, trade and cultural ties are closer than ever with the growing outreach and exchange, such as our mission. Offering a combination of capital, professional expertise and production capability from Hong Kong and Shanghai, we hope to collaborate with partners in the Philippines to turn investment opportunities into bankable ventures,” pahayag ni HKTDC Chairman Vincent HS Lo.
Kumpiyansa naman ang co-mission leader na si Dr. Jonathan Choi, chairman ng Hong Kong Chinese General Chamber of Commerce at chairman din ng Sunwah Group, sa planong proyekto ng HKTDC.
Itinuturing na “perfect timing” ang pagbisita ng HKTDC dahil makatutulong ang inisyatibo ng Belt & Road sa programang “Build, Build, Build” ng administrasyon, sa pagpopondo sa programang imprastruktura ng gobyerno.