Ni Bella Gamotea

Patay ang isang hindi pa nakikilalang lalaki makaraang mabangga ng UV Express sa Parañaque City, nitong Miyerkules ng gabi.

Hindi na umabot nang buhay sa Ospital ng Parañaque ang biktima na inilarawang nakasuot ng dilaw na T-shirt at pulang shorts, sanhi ng matinding pinsala sa ulo at katawan.

Sa tulong ng ilang motorista, nasakote ang driver ng UV Express na si Francisco Cabuyaban, Jr., nasa hustong gulang, na patuloy na iniimbestigahan at nasa kustodiya ng Parañaque City Traffic Enforcement Unit.

National

OVP, nagpaliwanag hinggil sa 'casual meeting' nina VP Sara at Ex-VP Leni sa Naga

Base sa ulat, naganap ang insidente sa northbound lane ng Roxas Boulevard, Barangay Tambo ng nasabing lungsod, pasado 7:00 ng gabi.

Sa pahayag sa pulisya ng tanod na si Marlon Galang, nakatayo ang biktima sa lugar nang banggain ng UV Express (UYC 200), na minamaneho ni Cabuyaban.

Sa halip na huminto at dalhin sa ospital ang biktima, tinangka umano ng suspek na tumakas at pinaharurot ang sasakyan ngunit hinabol siya ng ilang motorista.

Isinugod ang biktima sa naturang ospital, ngunit dead on arrival.

Sasampahan si Cabuyaban ng kasong reckless imprudence resulting in homicide.