Ni Orly L. Barcala

Sinisisi ang matinding init ng panahon sa biglaang pagsipa ng presyo ng karne ng manok sa mga pangunahing pamilihan sa Northern Metro area.

Sa mga palengke sa Caloocan- Malabon-Navotas at Valenzuela City (Camanava), tumaas ng P5 hanggang P10 ang kada kilo ng karneng manok, mula sa dating P140 per kilo.

Ayon sa mga mamimili, nagulat sila sa biglang pagmamahal ng manok, dahil nitong nakaraang araw ay mababa pa umano ang presyo nito.

Eleksyon

Bilang ng mga Gen Z voters malaking porsyento nga ba sa eleksyon?

Sa palengke sa Barangay Ugong, Valenzuela City, umaabot sa P150-P160 ang kilo ng manok.

Katwiran naman ng mga nagtitinda, tumaas umano ang presyo ng manok dahil sa tindi ng init ng panahon, lalo na sa mga lalawigan sa hilagang Luzon, kung saan nagmumula ang karamihan ng supply ng manok sa Metro Manila.

Ayon naman sa United Boilers Association (UBA), wala silang alam sa pagtaas ng presyo ng manok, sinabing bagamat maaaring mamatay sa heat stroke ang manok ay maaari namang iwasan ang nasabing sakit, depende sa lokasyon ng poultry farm.

Kasabay nito, mminado ang UBA na nakaaapekto sa paglaki ng manok ang sobrang init ng klima, pero hindi pa rin umano sapat ang nasabing dahilan para kapusin ang supply ng manok sa bansa, at itaas ang presyo nito.

Katwiran pa ng UBA, noong Marso 16, 2018 ay pumalo sa P83 (poultry price) ang kada kilo ng manok, na bumaba sa P73 nitong Abril 13, kaya nakagugulat na biglang tumaas ang presyo nito sa merkado.

Sinabi naman ng Department of Agriculture na ipatatawag nito ang mga stockholder ng manok para pagpaliwanagin sa isyu.