Ni Bella Gamotea

Sugatan ang isang lalaki makaraang saksakin ng kanyang kapitbahay dahil sa matagal nang alitan sa Las Piñas City, nitong Lunes ng hapon.

Patuloy na inoobserbahan ang kondisyon ni Rudy Mortega y Vitudio, 35, ng Block 4 Lot 3, Everlasting Homes, Barangay Talon 4 ng nasabing lungsod, na nagtamo ng saksak sa dibdib.

Arestado naman ang suspek na si Jonald Llagas Esmabe, 32, ng Block 11 lot 1, Everlasting Homes ng naturang barangay.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sa ulat na ipinarating ng Southern Police District (SPD), naganap ang pananaksak sa Everlasting Homes, Bgy. Talon 4, bandang 2:30 ng hapon.

Sinasabing kinumpronta ng suspek ang biktima dahil sa hindi nabanggit na alitan, na nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa sinaksak ni Esmabe si Mortega.

Agad isinugod sa ospital ang biktima habang naaresto sa follow-up operation, na ikinasa ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 6, si Esmabe.

Kasalukuyang naghihimas ng rehas ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.