Ni Mary Ann Santiago

Timbuwang ang isang taxi driver, na dating nakulong dahil sa umano’y pagpatay, matapos barilin nang malapitan ng hindi pa nakikilalang armado sa tapat ng bahay nito sa Maynila, kamakalawa ng gabi.

Dead on arrival sa Mother and Child Hospital si Romeo Esguerra, 53, ng Block 115B, Baseco, Port Area ng nasabing lungsod, dahil sa tatlong tama ng bala sa ulo.

National

Atty. Chel Diokno, benepisyaryo daw ng confidential funds ni VP Sara?

Sa pagsisiyasat ni SPO1 Anthony Navarro, ng Manila Police District (MPD)-Station 5, na pinamumunuan ni Supt. Emerey Abating, nakaupo habang nagpapahangin ang biktima sa tapat ng kanyang bahay nang lapitan at barilin sa ulo ng suspek, dakong 11:15 ng gabi.

Sa pahayag ng misis ng biktima, si Nimfa, nasa loob siya ng bahay nang marinig ang tatlong putok ng baril kaya agad siyang lumabas at nasilayan ang duguang mister.

Isinugod ang biktima sa ospital, ngunit binawian ng buhay dakong 11:53 ng gabi.

Paghihiganti ang isa sa mga anggulong sinisilip ng awtoridad, matapos ibunyag ni Nimfa na dating bilanggo ang mister dahil sa kasong murder.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.