Ni Argyll Cyrus B. Geducos

Kung uulitin ang kanyang buhay, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na muli siyang pakakasal sa dati niyang asawa na si Elizabeth Zimmerman.

Sa kanyang mensahe sa kaarawan ng kanyang dating misis, sinabi ni Duterte na totoong minahal niya si Zimmerman.

National

De Lima, nag-react sa pahayag ni Espinosa na si Bato nag-utos na idiin siya sa illegal drugs

“Given another chance, another life, I would still marry Elizabeth. Because that is love,” sinabi ni Duterte, ayon sa Instagram post ni Davao City information officer Jefry Tupas.

Inilahad ni Tupas, sa mga sumunod na Facebook posts, na binigyan din ng Pangulo si Zimmerman ng bouquet of flowers para sa 70th birthday ng huli. Sumayaw din ang dating mag-asawa.

Hinarana rin ng Pangulo si Zimmerman ng paborito nitong awitin na “Ikaw,” at naghalikan sa entablado sa harapan ng kanilang mga pamilya at kaibigan na dumalo sa intimate birthday celebration.

May tatlong anak si Duterte kay Zimmerman –sina dating Davao City Vice Mayor Paolo, Davao City Mayor Sara, at Sebastian.

Kahit na ilang taon nang hiwalay, nanatiling malapit at magiliw ang relasyon ni Duterte kay Zimmerman. Si Duterte ay mayroon na ngayong common-law wife na si Honeylet Avanceña at may anak silang si Veronica.

Naghiwalay sina Duterte at Zimmerman noong Hulyo 1988 matapos maghain ang huli ng petisyon para ipawalang-bisa ang kanilang kasal. Inaprubahan ng korte ang kanyang petisyon para wakasan ang 27-taon nilang pagsasama.

Iniulat na pinagbigyan ang petisyon matapos ang psychological assessment kay Duterte mahigit 15 taon na ang nakalipas na nagsasabing mayroong “Antisocial Narcissistic Personality Disorder” ang Pangulo.

Sinabi ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na ibinaba ang final court decision halos 15 taon na ang nakalipas at wala nang sama ng loob sa isa’t isa ang kanyang mga magulang.

Sa kabila ng kanilang annulment, tumulong si Zimmerman sa kampanya ni Duterte sa panguluhan habang nagpapagamot sa sakit na cancer. Pawang mabubuting salita ang namutawi sa kanya para sa dating mister.

“What sets him apart from the other candidates is he has that sincerity. When it comes to work, he works hard and he can do it. He is down-to-earth and practical. And kind-hearted,” ani Zimmerman sa isang online interview.

Dumalo rin siya sa inauguration ni Pangulong Duterte noong Hunyo 30, 2016, nilinaw na hindi dadalo ang kanilang mga anak kung hindi siya kasama.

“I’m there [inauguration] for my children, because if I’m not there, maybe my children will not attend. So I’m there for my children,” aniya.