Ni Mary Ann Santiago

Nasa 1,000 pasahero ng Metro Rail Transit (MRT)-Line 3 ang sapilitang pinababa matapos magkaaberya ang isa nitong tren sa San Juan City, kahapon ng umaga.

Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na ito ang unang aberyang naitala ng MRT matapos na sumailalim sa general maintenance ang mga tren nito, noong Mahal na Araw.

Ayon kay Aly Narvaez, media relations officer ng MRT, napilitan ang kanilang tren na magpababa ng mga pasahero sa southbound ng Santolan-Annapolis station matapos na hindi sumara ang pintuan nito, dakong 8:01 ng umaga.

Impeachment case ni VP Sara, maaari pang madagdagan?

Maaari aniyang ang aberya ay sanhi ng “stress in door components” matapos masandalan o puwersahang buksan ito ng mga pasahero.

Pinaalalahanan ni Narvaez ang mga pasahero na huwag sandalan o puwersahing buksan ang mga pintuan ng tren upang maiwasan ang disgrasya at abala.

Kaagad na dinala sa depot at pinalitan ang door components ng nagkaaberyang tren, habang isinakay naman ang mga apektadong pasahero sa sumunod na biyahe.

Matapos ang limang araw na general maintenance sa mga tren ng MRT ay umabot na sa 17 ang dati ay pito hanggang walong tren nito na nakakabiyahe.