Ni Mary Ann Santiago
Timbuwang ang isang lalaking wanted sa kasong carnapping makaraang makipagbarilan sa awtoridad sa surveillance operation sa Pasig City, nitong Martes ng gabi.
Hindi na umabot nang buhay sa Rizal Medical Center ang suspek na si Ferdinand Dayola, alyas Peng, nasa hustong gulang, ng Barangay Kapasigan ng nasabing lungsod, sanhi ng tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa ulat na ipinarating ng Pasig City Police kay Eastern Police District (EPD) director, Chief Supt. Reynaldo Biay, naganap ang engkuwentro sa Sunflower Street, Bgy. Kapasigan, dakong 6:10 ng gabi.
Nagsasagawa ng surveillance operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa pangunguna ni PO3 Lito Villarosa, sa lugar laban sa isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga nang matiyempuhan si Dayola.
Tumakbo umano ang suspek dahilan upang habulin siya ni PO1 Arsenio Velardo, Jr., subalit sa halip na sumuko ay bumunot ng baril si Dayola at binaril ang parak.
Masuwerteng hindi tinamaan ang pulis na napilitang gumanti at tuluyang bumulagta si Dayola.
Si Dayola ay may nakabimbing warrant of arrest dahil sa paglabag umano sa Anti-Carnapping Law (RA 6593).