Ni Mina Navarro

Nasakote ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang magkapatid na Koreano, na kapwa pinaghahanap ng awtoridad sa South Korea dahil sa panloloko sa kanilang mga kababayan na naakit mag-invest ng pera sa pangakong mababayaran sila ng mataas na interes, sa Cebu.

Kinilala ni BI commissioner Jaime Morente ang magkapatid na sina Choi Sung Hyun, 32; at Choi Sungmin, 35, na kapwa inaresto ng mga tauhan ng Fugitive Search Unit (FSU) ng ahensiya sa kanilang bahay sa Estados Unidos Fortuna Street, sa Mandaue City, nitong Abril 6.

National

De Lima, hinamon si Roque na sumuko: 'Hindi 'yung nagtatapangan lang siya!'

Ayon kay Morente, ang magkapatid na Sung Hyun at Sungmin ay may red notices mula sa Interpol (International Police), dahil kapwa wanted sa Seoul dahil sa pandaraya.

Ayon kay Morente, pauuwiin ang dalawang Koreano sa sandaling maglabas ang BI board of commissioners ng kautusan para sa kanilang summary deportation.

Sa ibinigay na impormasyon ng Korean Embassy, sa pagitan ng Pebrero at Abril 2011, si Sung Hyun ay nakatanggap ng kabuuang 360 milyong won mula sa kanyang mga biktima, sa walong magkakaibang insidente, na pinangakuan niyang kikita ng tatlong porsiyento sa pamumuhunan.

Wanted naman si Sungmin dahil sa pandaraya at pang-aakit sa kanyang mga biktima na mamuhunan ng US$40,000 sa isang hindi umiiral na business venture at ginamit na pambayad sa kanyang mga utang.