Ni Orly L. Barcala

Arestado ang isang magka-live-in na umano’y kapwa tulak ng ilegal na droga sa isang buy-bust operation sa Valenzuela City, nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ni Chief Insp. Jowilouie Bilaro, hepe ng Station Drugs Enforcement Unit (SDEU), ang mga suspek na sina Buboy Sta. Maria, 35; at Lydia Bolo, 40, ng Dulong Tangke, Barangay Malinta, ng nasabing lungsod.

Sa ulat ng Valenzuela City Police, nagkasa ang SDEU ng buy-bust operation laban kay Sta. Maria sa kanyang bahay sa nabanggit na lugar, dakong 6:00 ng gabi.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Dinakma ng mga pulis si Sta. Maria matapos iabot ang droga sa pulis na poseur buyer.

Dinampot din ng awtoridad ang kinakasama ng suspek na si Bolo makaraang maaktuhan umanong bumabatak ng shabu.

Narekober umano sa mga suspek ang 10 pakete ng hinihinalang shabu, na nagkakahalaga ng P300,000.

Ayon kay Chief Insp. Bilaro, kilala umanong tulak ng droga sa kanilang lugar si Sta. Maria, at matagal nang isinasailalim sa surveillance ng awtoridad.

Kinasuhan na ang mga suspek ng paglabag sa Sections 5 at 11 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165).