Ni Bert de Guzman
BUHAY ang inutang, buhay ang kabayaran. Ito ang sinusunod na batas sa Gitnang Silangan, tulad sa Kuwait. Noong Lunes, may report na hinatulan ng Kuwaiti court ang mga killer ni OFW Joanna Demafelis sa pamamagitan ng pagbigtin o hanging.
Si Demafelis, 29 anyos na kasambahay, ay natagpuan sa loob ng freezer na pinagsidlan sa kanya ng mga among Arabo na sina Nader Essam Assaf, isang Lebanese, at asawang si Mona, isang Syrian. Si Assaf ay nakakulong ngayon sa Lebanon samantalang si Mona ay nasa kustodiya ng Syria.
Sa Pilipinas ay walang hatol na kamatayan kaya sa bansa natin nagpupunta, tumatakbo at nagtatago ang mga kriminal, lalo na ang mga shabu smuggler, drug lord, supplier. Ligtas sa ‘Pinas ang mga tarantadong drug lords at kriminal kahit sinisira nila ang utak ng mga kabataang Pilipino.
Kung walang death sentence sa ‘Pinas, mismong si President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang nagsasabing “Don’t destroy the youth of my Land, I will kill you.” Sana ay patayin ni PRRD ang mga drug lord, smuggler at supplier, at hindi lang ang ordinaryong mga nakatsinelas na pushers at users.
Sinimulan na ng Supreme Court, bilang Presidential Electoral Tribunal (PET), ang pagbilang sa mga boto sa vice presidential race noong 2016. Ang naglalaban sa manual vote recount ay sina Vice Pres. Leni Robredo at ex-Senator Bongbong Marcos. Maliit lang ang kalamangan ni beautiful Leni kay Bongbong kaya umaasa ang anak ng diktador na tatalunin niya ang ginang ni ex-DILG Sec. Jesse Robredo.
Nababahala si Cardinal Tagle dahil umano sa pagtatayo ng mga “pader” ng mga bansa ngayon sa halip na ang itayo ay mga “tulay” ng pagkakasundo. Sa kanyang Easter Sunday vigil mass sa Manila Cathedral, sinabi niya na parang muling nabubuhay ang Cold War. Muling nag-aaway ang mga bansa sa ilalim ng mga modernong hari at diktador.
Para naman kay Pope Francis, nananawagan siya ng kapayapaan sa Holy Land na sakbibi ng karahasan, patayan at suicide bombings. Sa kanyang Easter Sunday mass, binanggit niya na magulo pa rin sa Israel, ang tinubuang-lupa ni Hesukristo, at sa mga bansa sa Gitnang Silangan.
Ang panawagan ay ginawa ni Lolo Kiko dalawang araw matapos napatay ang 15 Palestinian sa Israeli-Gaza border. Sabi ni Papa Francis: “Maging ang inosenteng mga sibilyan na walang kalaban-laban ay napapatay.”