Nina LESLIE ANN G. AQUINO, LEONEL M. ABASOLA, MARIO B. CASAYURAN at RAYMUND F. ANTONIO
Aaksiyunan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga alegasyon ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos.
Kinuwestiyon ni Marcos nitong Lunes ang kawalan ng audit logs sa loob ng 38 ballot boxes at mga basang balota sa apat na kahon sa pagsisimula ng manual recount at revision of ballots kaugnay sa kanyang poll protest laban kay Vice President Leni Robredo.
“The COMELEC takes the matter of former Senator Marcos’ allegations seriously,” saad sa pahayag ni Comelec Spokesman James Jimenez. “We will be looking into these claims closely, taking into account, the published General Instructions governing the conduct of the 2016 National and Local Elections.”
Tinalo ni Robredo si Marcos sa May 2016 vice presidential elections ng mahigit 200,000 boto na nagtulak sa huli na maghain ng election protest sa Presidential Electoral Tribunal (PET) noong Hunyo 2016.
MAY ITINATAGO?
Malutong na mura ang reaksiyon ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III nang hingan ng opinyon kaugnay sa nawawalang transmission logs at mga basang balota ng Comelec sa pagsisimula ng bilangan sa electoral protest ni Marcos.
“If Comelec says (the) early transmission logs I’m asking for are missing, sobrang obvious na nagkadayaan! P&£%@.$?¥ ina nyo!” ani Sotto sa kanyang Twitter account.
Aniya, hindi katanggap-tanggap ang anumang magiging paliwanag ng Comelec dito.
“These wet ballots issue is so alarming. 2 years nang basa? Ayaw matuyo. Logs are not available? Are they hiding some things?” tweet pa niya.
Sinabi ni Marcos na basa ang mga balota sa apat na presinto mula sa bayan ng Bato, Camarines Sur nang buksan nitong Lunes.
Tinawag ng Liberal Party (LP) na desperadong hakbang ang recount petition ni Marcos laban kay Robredo para baguhin ang kasaysayan.
Gayunman, kumpiyansa sina LP president Sen. Francis Pangilinan at Sen. Bam Aquino na kukumpirmahin ng recount na talagang si Robredo ang ibinoto ng mamamayang Pilipino.
MAHABANG PROSESO
Sinabi ni Atty. Romulo Macalintal, lead counsel ni Robredo, na maaaring abutin ng anim na taon bago maresolba ng Supreme Court, umuupo bilang PET, ang kaso.
Nitong Lunes, sinimulan ng PET ang manual recount at revision of ballots mula sa Camarines Sur, Iloilo, at Negros Oriental—ang tatlong pilot provinces na tinukoy sa protesta ni Marcos. Ang mga resulta ng initial recount ang tutukoy sa merito ng protesta ni Marcos.
“If the findings is that he wasn’t able to get substantial recovery, the protest will be dismissed. If the PET says there is substantial recovery, then we will now proceed with the 22 or 23 more provinces,” sinabi ni Macalintal.
“When we will be able to finish the [recount in] 22 provinces? Mr. Marcos is already a senator, it is not yet finished,” dagdag niya.