Ni MARY ANN SANTIAGO

Sa rehas ang bagsak ng isang 21-anyos na lalaki na nambugbog umano sa nakatatanda niyang kapatid, matapos mag-amok at hamunin ng away ang opisyal ng barangay sa Maynila, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang suspek na si Jerome Quezon, binata, walang hanap-buhay, ng 410 Craig Street, Sampaloc ng nasabing lungsod, at kasalukuyang nakakulong sa Manila Police District (MPD)-Station 4 dahil sa kasong Breach of Peace at Concealing Deadly Weapon.

Sa imbestigasyon ni PO1 Reynaldo Principe, Jr., nagreklamo ang ina ng suspek kay Barangay Executive Officer Manuel Maniquez, bunsod ng panggugulpi nito sa nakatatandang kapatid, na hindi pinangalanan, dakong 12:06 ng madaling araw.

Internasyonal

Higit 200 pasahero sa nag-crash na Air India plane, patay; isa, nakaligtas!

Agad na rumesponde si Maniquez sa bahay ng pamilya, ngunit nagwala umano si Jerome at hinamon ng away ang una.

Inaresto ni Maniquez ang suspek, na nakuhanan ng isang kutsilyo, at idiniretso sa Lacson Police Community Precinct (PCP) upang sampahan ng kaukulang kaso.