Nina BEN R. ROSARIO, BERT DE GUZMAN at VANNE ELAINE P. TERRAZOLA

Handa ang mga may-akda at pangunahing tagapagtaguyod ng divorce bill sa House of Representatives na kumbinsihin si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na ang panukala ay naglalaman ng sapat na mga probisyon para matugunan ang kapakanan ng mga anak ng mga maghihiwalay na mag-asawa, inihayag ni Speaker Pantaleon Alvarez kahapon.

Sa press conference, sinabi Alvarez na nauunawaan niya ang pagtutol ni Duterte sa panukala ngunit positibo siya na ikokonsidera pa rin ng chief executive ang negatibong posisyon nito sa House Bill 7303 o Absolute Divorce Bill.

Inilalarawan ng panukala ang “absolute divorce as the separation between married couples that is total and final where the husband and wife return to their status of being single with the right to contract marriage again.”

Eleksyon

TINGNAN: Listahan ng mga aspirants na nag-file ng COC at CONA ngayong Oct. 3

Sa botong 134 pabor at 54 kontra, ipinasa ng Kamara ang HB 7303 sa pangatlo at pinal na pagbasa nitong Lunes, ilang oras matapos magpahayag ang Malacañang na hindi pabor dito ang Pangulo.

“Iyong concern ni President Duterte ay maganda. Kung kinakailangan magpapaliwanag kami, lalo na ang principal sponsor at ang committee, gagawin namin,” ani Alvarez.

Nagpahayag ng pag-aalala si Duterte sa kapalaran ng mga batang maiipit sa pagdidiborsiyo ng kanilang mga magulang.

Tiniyak ni Alvarez na isinaalang-alang ng Mababang Kapulungan ang kapakanan ng mga bata, iginiit na ang panukala ay dumaan sa masusing pag-aaral ng mga mambabatas at naglalaman ng mga probisyon na magtitiyak sa kapakanan ng lahat ng apektadong partido, lalo na ng mga bata.

MABABAW NA PALUSOT

Pinuri ng mga tutol sa panukala ang pahayag ni Duterte na ayaw nito sa diborsiyo, sinabi na tama ang mga pangamba ng Pangulo at hindi ito dapat balewalain ng mga may-akda ng HB 7303.

Si Alvarez, kasama sina Deputy Speakers Gwendolyn Garcia at Pia Cayetano, Rep. Edcel Lagman (LP, Albay), ang principal author ng panukala.

“We strongly agree with the President that divorce would be very detrimental to mothers and children,” ani Rep. Lito Atienza.

Kasamang nanindigan ni Atienza laban sa diborsiyo sina Reps. Raul del Mar (LP, Cebu); Manuel Zubiri (Bukidnon, Bukidnon Paglaum) at Mercedes Cagas (NP, Davao del Norte).

Sinabi ni Del Mar na napakalawak ng grounds para sa diborsiyo na maging ang pinakamababaw na palusot ay maaaring pahintulutang maghiwalay ang mag-asawa.

Sinabi naman ni Bukidnon Rep. Manuel Zubiri na palalalain lang ng panukalang diborsiyo ang samahan ng pamilya, sa halip na protektahan ito sa lahat ng paraan.

Nalulungkot naman si Davao del Sur Rep. Mercedes Cagas na inaprubahan ang panukala kahit na ito ay banta sa pamilya.

“Mr. Speaker, instead of giving an opportunity for families to break, let us focus on strengthening families,” aniya.

Ayon pa kay Cagas: “The future of this country depends on our understanding of marriage and its role in upholding an upright and stable society.”

MALABO SA SENADO

Sa kabila ng pagpasa ng Kamara sa divorce bill, malabo pa ring ipapasa ng Senado ang parehong hakbang para gawing legal ang diborsiyo sa bansa.

Ngunit ayon kay Senate President Aquilino Pimentel III bukas naman silang talakayin ang pagbuwag sa kasal, na aniya ay binanggit sa kanya ni Speaker Alvarez.

“Divorce as we know it in America, (is) doubtful. But this new idea being introduced, ‘dissolution of marriage’, should be studied. Speaker tells me there is a difference. Hence, we study if [it’s] true,” ani Pimentel sa reporters nitong Martes.

Sinabi ni Sen. Richard Gordon, sa hiwalay na panayam matapos ang pagdinig ng Senado nitong Martes, na para sa kanya ang panukalang divorce law ay labag sa 1987 Constitution.

“Because it states that marriage is a social institution that the government should try and protect,” aniya.