Ni Mary Ann Santiago

Isang lalaki, na nag-viral sa social media dahil sa pagdukot ng mga bata, ang inaresto ng awtoridad matapos umanong tangayin ang isang 5-anyos na babae sa Pasig City, iniulat kahapon.

Ayon kay Chief Supt. Reynaldo Biay, director ng Eastern Police District (EPD), sasampahan ng kasong abduction at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165) ang suspek na si Romualdo Abalajon, Jr., 49, ng Constancia Street, Makati City.

Inaresto si Abalajon sa tangkang pagdukot sa isang bata, na hindi pinangalanan para sa proteksiyon nito.

'Sampalin ko siya sa publiko?' FPRRD at Trillanes nagkainitan, inambahan ng mikropono

Sa ulat ng Pasig City Police, nadakip ang suspek sa Villa Tupaz, Barangay San Joaquin ng nasabing lungsod, bandang 9:00 ng umaga.

Ayon sa testigong si Rose Marie Vecino, 29, nakatayo siya sa labas ng kanyang bahay nang mapansin ang suspek na palakad-lakad at tila may hinahanap sa lugar.

Nakita pa umano ni Vecino ang paglabas ng bata sa bahay nang dakmain ng suspek, kaya tumulong siyang mabawi ang biktima.

Humingi ng tulong si Vecino sa awtoridad at naaresto ang suspek at kinapkapan at nakuhanan ng isang pakete ng hinihinalang shabu.

Base sa imbestigasyon, minsan nang nag-viral sa social media suspek, sakay sa berdeng van (XMM-507), matapos iturong tumatangay ng mga bata.