Ni Vanne Elaine P. Terrazola at Leonel M. Abasola

Hindi natuwa ang mga senador, kapwa ng administrasyon at oposisyon, sa mga banat ni UN High Commissioner for Human Rights Zeid Ra’ad al-Hussein laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Nanawagan si Senate President Aquilino Pimentel III kahapon ng pagbibitiw ni Zeid dahil sa kawalan ng “self-control” at “patience.”

Binatikos ni Pimentel ang pahayag ni Zeid na nangangailangan ng “psychiatric evaluation” si Duterte, iginiit na dapat magpakita ng paggalang ang opisyal ng UN sa kanilang mga kasaping bansa.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

“UN officials must show extreme patience and respect their member nations. They are not politicians. They are international bureaucrats. These UN officials receive salaries which come from the contributions of member-states like Philippines,” ani Pimentel.

Idinagdag ng pinuno ng Senado na hindi maaaring gamitin ng mga opisyal ng UN ang kanilang posisyon at ang organisasyon “to personally attack the head of a member-state.”

“He should resign (from) his post for lacking of steely nerves, the self-control, and the extreme patience required of international bureaucrats,” ani Pimentel kay Zeid.

Sinabi naman ni Sen. Riza Hontiveros na ang mga pahayag ni Zeid ay diskriminasyon sa mga may problema sa pag-iisip.

“As a mental health advocate, I do not approve of statements and opinions about a person state of mental health -- disclosed or undisclosed -- that tend to be prejudicial, especially if the said remarks were made without any psychiatric or psychological basis,” ani Hontiveros.

Nauna nang nagkomento si Sen. Panfilo Lacson na “uncalled for” ang mga pahayag ni Zeid.

Samantala, sinabi ni Sen. Leila de Lima na parang langaw na nakatapak sa kabalabaw si Presidential Spokesperson Harry Roque sa pagbatikos nito sa performance ni Zeid, anak ng hari ng Jordan, bilang pinuno ng UNHRC.

Ayon kay de Lima, marami pang kakaining bigas si Roque para labanan si Zeid na tunay na tagapagtaguyod ng karapatang pantao.

Giit niya hindi nagsasalita si Husein bilang isang Jordanian, kundi bilang isang opisyal ng UN na dumidepensa sa mga biktima ng karapatang pantao.