Nina Argyll Cyrus B. Geducos, Bert De Guzman at Ellson A. Quismorio

Sinabi ng Malacañang na hindi na kailangang i-bully ni Pangulong Rodrigo Duterte si Chief Justice Maria Lourdes Sereno dahil ginagawa na ito ng kanyang mga kasamahan sa Supreme Court.

Ito ang ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos sumumpa si Sereno na hindi magbibitiw sa gitna ng “all kinds of lies, threats, harassment and bullying” na ibinabato sa kanya habang napipinto ang impeachment trial.

Sinabi ni Roque, sa panayam na ipinaskil sa official Facebook page ng Office of the Presidential Spokesperson, na inaani ni Sereno ang mga ipinunla nito.

National

4.8-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Sur

“Ayoko lang, ‘yung mga sinasabi niya lately na ang Presidente daw ang dahilan kung bakit siya pinatatalsik sa puwesto. Bakit niya ituturo ang Presidente? Eh, ang pansinin niya ‘yung mga kasama niya sa Korte dahil yung mga co-justices niya mismo nagsasabi hindi siya karapat-dapat diyan?” ani Roque.

“In other words, hindi na po siya kailangang i-bully ng Presidente. She has done a magnificent job at alienating her own colleagues,” idinugtong niya.

Sinabi pa ni Roque na marahil ay dapat pag-isipan ni Sereno kung talagang nararapat siya para maging pinakamataas na hukom ng bansa, dahil inaayawan siya maging ng kapwa niya justices.

“Ang mga nagdidiin sa kanya, ang mga humihingi na siya ay magbitiw ay sarili niyang mga kasama, mga kapwa mahistrado sa Korte Suprema. So kung siya ay binu-bully, sinong nambubully sa kanya? Siya ang hepe mahistrado and yet ni isang mahistrado walang kumakampi sa kanya. Mag-isip-isip naman siya,” banat ni Roque.

Samantala, ipadadala na ng Kamara sa Senado ang committee report at articles of impeachment matapos magdesisyon ang House Committee on Justice, sa ilalim ni chairman Rep. Reynaldo Umali, nitong Huwebes na mayroong probable cause para i-impeach si Sereno.

Sina vice chairpersons Reps. Vicente Veloso, Doy Leachon, Henry Oaminal, Arnulfo Fuentebella, at Strike Revilla ang inatasang magbalangkas ng Committee Report at Articles of Impeachment. Isusumite ito sa plenaryo sa Marso 14 para talakayin at pagtibayin.

Posibleng tutulong ang private prosecutors sa pagsisikap ng congressmen na patalsikin si Sereno sa napipintong impeachment trial sa Senado.

“May listahan na ng mga volunteers (private prosecutors),” lahad ni Umali, sa House reporters.

Nang tanungin kung ilang private lawyers ang nais makisangkot sa kaso, sumagot si Umali na, “Sobrang dami.”

Sa ngayon sina Umali at Majority Floor Leader, Ilocos Norte 1st district Rep. Rudy Fariñas ang tiyak nang kasama sa 11-man prosecution team. Si Fariñas, bar topnotcher, ay naging bahagi rin ng impeachment trial ng sinundan ni Sereno, ang namayapang si Renato Corona, kung saan nananalo ang congressmen.