Ni JIMI ESCALA

SA kundisyong papayag si Baron Giesler na ididiretso siya sa rehabilitation center ay mismong pamilyang nagpakulong sa kanya ang maglalagak ng piyansa para sa kasong isinampa laban sa kanya ng mga ito.

image from GMA NEWS

image from GMA NEWS

Pumayag naman agad si Baron pero may kundisyon din siyang hiningi, na dapat ay sagutin ng kanyang pamilya ang malaking gagastusin para sa pagpapa-rehab niya.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Sa lumabas na pictures ni Baron na kuha sa loob ng kulungan at habang nagsasalita, dahil wala sa ilalim ng ispiritu ng alak, ay para siyang maamong tupa. Aniya, siguro raw ay kagustuhan ng Diyos para tuluyan na siyang magbago.

Banggit pa ni Baron, na naging leksiyon sa kanya ang alitan nila ng kanyang bayaw na si Michael Morales. Para na rin daw ito sa ikakabuti ng kanyang buhay.

Habang sinusulat namin ito ay inaasikaso na ng kanyang bayaw, na nagpakulong sa kanya, ang pag-atras sa kasong isinampa nito laban sa aktor. Dalangin ng nakausap naming taong malapit kay Baron, sana nga raw maging daan ito para magbago na ang mahusay pa namang actor.

“Sa totoo lang, eh, kailangan talaga niya ang professional help. Sa palagay ko kasi, eh, hindi naman alak lang ang nagiging dahilan sa mga ginawa niyang hindi na normal para sa isang kagaya niya,” sey ng source namin.

Kulang na lang na banggitin ng kausap namin na psychiatrist ang kailangan ni Baron.

“Dapat na magpasalamat si Baron dahil kahit sobra ang ginawa niya, eh, meron pa ring mga taong nagmamalasakit sa kanya,” dugtong pa ng source.

Hindi na dapat palampasin ni Baron ang magandang pagkakataong ibinigay sa kanya ng pamilya niya. Hindi naman ito para sa pamilya lang nila o sa kung sino man kundi para mismo sa kanyang sarili.