Ni Francis T. Wakefield

Ibinunyag kahapon ng tagapagsalita ng 1st Infantry Division ng Philippine Army ang humalili sa napatay na Abu Sayyaf leader na si Isnilon Hapilon bilang emir ng Islamic State (IS) sa Southeast Asia.

Kinilala ni Major Ronald Suscano ang bagong emir na si Abu Dar, sub-leader ng Maute Group, at isang full-blooded Maranao.

Ito ang inamin ni Suscano kasunod ng pagkakadakip nitong Sabado sa isa pang umano’y sub-leader ng Maute sa Tondo, si Abdul Nasser Lomondot.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

“Ang tumatayo ngayon, ‘di ba namatay si Isnilon Hapilon, so ‘yung tumatayong emir or lider nila ngayon na pumalit sa kanya, si Abu Dar,” sabi ni Suscano.

“Actually, kuwan sya, isa siyang totoong Maranao talaga. ‘Yung parents niya is taga-Lanao del Sur, ‘yung both parents niya. Full blooded Maranao siya, tapos I think doon din siya lumaki sa Lanao del Sur, dun siya nag-aral, dun din nag-asawa,” dagdag ni Suscano.

Ayon pa kay Suscano, makaraang sumiklab ang Marawi siege noong Mayo 23, 2017 ay naroon sa siyudad si Dar at nagawang makatakas sa main battle area bitbit ang maraming pera kasama ang ilan pang kapwa terorista.

“Based sa information na nalaman ko, nung paglabas ng Marawi, siya ‘yung may dalang pera, siya ang nagdala ng pera palabas. Maraming perang naipuslit nila palabas ng Marawi. Siya ang nagdala kaya marami silang pondo, siya ang may hawak,” ani Suscano.

Sinabi ni Suscano na batay sa intelligence reports, nasa Pagawayan, Lanao del Sur ngayon si Dar.

“Doon siya madalas nare-report kasi doon ‘ata ‘yung birth place niya or doon ’yung mga kamag-anak niya sa municipality of Pagayawan,” sabi pa ni Suscano.