Morales, kumabig; Navy at Army-Bicycology, hatawan sa team overall

ECHAGUE, Isabela — Umayon sa magandang kondisyon ng panahon ang diskarte ni Jan Paul Morales ng Navy-Standard Insurance para masikwat ang unang stage victory – ang 135.2-kilometer Tuguegarao-Isabela Stage Four – kahapon, habang nanatili ang kasanggang si Ronald Oranza sa kapit sa liderato sa 2018 LBC Ronda Pilipinas.

ronda copy

Naiwan ni Morales, 32, sina George Oconer ng Go for Gold at Ronnel Hualda ng Go for Gold Developmental team, gayundin ang 10 iba pang riders sa ratratan sa finish line para makuha ang panalo sa tyempong tatlong oras at 7.42 minuto.

Putol na ang sumpa! UST tinapos na ang 9 taon losing streak sa Ateneo

Ito ang ikalawang akyat ni Morales sa podium matapos semugunda sa Vigan Stage One Criterium nitong Linggo.

Nakuha rin ni Morales ang overall lead, ngunit naagaw ito ni Oranza matapos ang Vigan-Pagudpud Stage.

Ngunit, nagbabanta na si Morales. Mula sa No. 3, nakuha niya ang No. 2 tangan ang kabuuang oras na 13:38:22 – limang minuto at dalawang segundo ang layo kay Oranza (13:33:21).

Sa kabila nito, hindi masyadong umaasa sa titulo si Morales.

“Siyempre, gusto natin, pero kung sakaling ang teammate ko ang manguna, alalay na ko para manalo sila,” pahayag ni Morales.

Tatangkain ni Oranza, pambato ng Villasis, Pangasinan, na mapalawig ang bentahe a cycling marathon na itinataguyod ng LBC, sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Filinvest, CCN, Petron, Versa.ph, 3Q Sports Event Management, Inc., Boy Kanin, Franzia, Standard Insurance, Bike Xtreme, SH+, Guerciotti, Prolite, Green Planet, Maynilad, NLEX Cycling, Lightwater, LBC Foundation at PhilCycling.

“I will do my best to keep the red jersey,” sambit ni Oranza.

Kumalas naman sa No.2 overall, gayundin sa top 10 si navyman Archie Cardana matapos ang nakawiwindang na ratsada sa Stage 4.

Umakyat sa No.3 mula sa No.5 si Go for Gold Developmental team’s Jay Lampawog (13:40:16), habang si Pfc. Cris Joven ng Philippine Army-Bicycology Shop ay kumabig sa No.4 mula sa No. 7 (13:40:57), at si Ronald Lomotos ng Navy ay kumapit sa No.5 mula sa No. 8 (13:40:57).

Umaksiyon din si CCN Superteam’s Irish Valenzuela, ang 2013 champion, nang makasabay sa likod ni Morales para makuha ang No.6 (13:41:22).

Pumasok din sa top 10 sina Hualda at Navy’s Jhon Mark Camingao sa No.7 at No.8 tangan ang oras na 13:41:34 at 13:42:50, ayon sa pagkakasunod.

Si Rudy Roque ng Navy, pumangalawa kay Morales sa nakalipas na season, ang No.9 (13:42:44), habang si Team Franzia’s Leonel Dimaano ay nasa No.10 (13:43:11).

Nahila naman ng Navy ang bentahe sa team competition sa 17 minuto sa kabuuang oras na 54:26:06. Nasa likod ang Go for Gold Developmental team (54:44:01) kasunod ang Army-Bicycology (54:55:26).

Pansamantalang magpapahinga ang mga riders para ngayong araw bago ang ratsada sa Stage Five sa Huwebes para sa 79.4-km race mula sa Echague Municipal Hall at matatapos sa San Jose City Hall in Nueva Ecija.