race copy

Ni CAMILLE ANTE

PAGUDPUD, Ilocos Norte — Sumungkit ng ikalawang lap victory si Ronald Oranza ng Navy-Standard Insurance, habang hilahod ang kasangga at defending back-to-back champion Jan Paul Morales sa higpit ng bantay ng mga karibal sa pagratsada ng Second Stage ng LBC Ronda Pilipinas.

Kipkip ang kumpiyansa bunsod nang pagkapanalo sa four-man finish sa Stage One sa Vigan criterium, hataw ang 25-anyos an si Oranza sa huling tatlong kilometro para makopo ang 155.4 km Vigan-Pagudpud Stage Two sa tyempong tatlong oras at 34.13 minuto.

Anong luto ni Chloe ang masarap para kay Caloy lalo na 'pag umuulan?

Bunsod nito, naagaw ni Oranza ang atenyson kay Morales sa cycling marathon na itinataguyod ng LBC at suportado ng MVP Sports Foundation, Filinvest, CCN, Petron, Versa.ph, 3Q Sports Event Management, Inc., Boy Kanin, Franzia, Standard Insurance, Bike Xtreme, SH+, Guerciotti, Prolite, Green Planet, Maynilad, NLEX Cycling, Lightwater, LBC Foundation at PhilCycling.

Tumataginting na P1 milyon ang premyo ng kampeon sa individual class.

“Maaga pa, pero masaya ako at narito tayo sa unahan,” pahayag ni Oranza, pambato ng Villasis, Pangasinan.

Determinado si Oranza para mabawi ang nawalang pagkakataon nang mabigo siyang sumabak sa nakalipas na taon dahil sa responsibilidad sa National Team.

Nakabuntot sina Navy’s Rudy Roque, CCN Superteam’s Sherwin Carrera at Go for Gold’s George Oconer na nagtala rin ng parehong oras.

Nakuha ni Oranza ang kabuuang oras na 4:45:14, sapat para maagaw kay Morales ang red jersey – simbolo ng pangunguna – sa pagpadyak ng 223.5km Pagudpud-Tuguegarao Stage Three ngayon. Ang ruta ang pinakamahaba sa 12-stage ng pamosong cycling marathon sa bansa.

Umusad naman si Oconer, tinik sa lalamunan ni Morales, sa ikalawang puwesto na may oras na 4:46:02, may 48 segundo ang layo kay Oranza.

“If it comes, it comes. I just to need to be smart,” pahayag ni Oconer, tumapos na runner-up sa 2015 edition na pinagwagihan ni Santy Barnachea ng Team Franzia.

Nasa ikatlo si Carrera (4:47:40) kasunod si Joshua Mari Bonifacio ng Go for Gold Developmental team (4:47:56). Nasa top 10 sina Archie Cardana ng Navy, Michael Ochoa ng Team Bike Xtreme at Sgt. Reynaldo Navarro ng Philippine Army-Bicycology.

Nalaglag sa No.9 si Morales nang dumating sa finish line sa 16-man group na may tyempong 3:40:17. Tangan niya ang kabuuang oras na 4:51:23. Nasa No.10 si Go for Gold’s Jonel Carcueva (4:51:47).

Nanatili sa unahan sa team competition ang Navy (19:14:44) kasunod ang Go for Gold Developmental (19:24:34) at Go for Gold first team.