Ni REY G. PANALIGAN
Hiniling kahapon ng isang abogado sa Supreme Court (SC) na ipawalang-bisa ang appointment ni Chief Justice Maria Lourdes P. A. Sereno na nahaharap ngayon sa impeachment complaints sa Kamara.
Sa kanyang petition for quo warranto, tinukoy ni Atty. Oliver Lozano ang “paramount interest of public welfare” sa hirit niyang pagpapatalsik sa puwesto kay Sereno.
“We respectfully pray that the Honorable Court en banc, motu proprio (on its own), declare void the appointment of Chief Justice Maria Lourdes Sereno accordingly in the paramount interest of public welfare,” ani Lozano.
Ang kopya ng petisyon ni Atty. Lozano ay hindi pa available sa ngayon at lumitaw na isinampa nito sa SC kahapon.
Ang quo warranto ay isang espesyal na aksIyong sibil laban sa isang tao na gumamit, lumabag sa privacy o hindi naaayon sa batas na pagsasakatuparan ng kanyang tungkulin sa pampublikong tanggapan o opisina.
Sinabi ni Lozano na ang desisyon ng SC ay magbibigay din ng pangangalaga sa malayang hudikatura mula sa Kongreso.
Binanggit nito ang impeachment hearings ng Kamara na nagdulot ng pagkakawatak-watak.
“To end forthwith the divisive, disastrous and internationally ignominous controversy; and, thus, preserve the integrity of the judiciary and public faith in the justice system, we respectfully submit that the activists and revered Supreme Court can, under its inherent and plenary powers, promptly rule motu proprio, upon the validity of Chief Justice Sereno’s appointment,” pahayag ni Lozano.
Unang hinirit ng isang abogado kay Solicitor General Jose Calida na maglunsad ng quo warranto proceedings laban kay Sereno, na kanyang inilarawan bilang “de facto” chief justice.
Sinabi ni Eligio Mallari kay Calida na walang legal na karapatan si Sereno sa puwesto nito bilang chief justice matapos mabigong sumunod sa requirements para sa posisyon.
‘GIVE ME MY DAY’
Kaugnay nito, sinabi ni Sereno na ang impeachment complaints laban sa kanya ay dapat na isumite kaagad sa Senado para sa paglilitis o kaya naman ay ibasura sa kawalan ng ebidensiya.
“I ask only one thing from the political leaders, only one thing, give me my day at the Senate or admit that there is no probable cause,” pahayag ni Sereno sa kanyang talumpati kahapon sa harap ng mga hukom, abogado at law students sa isang forum sa University of Baguio.
“If they were so sure of their evidence that I have committed a harvest of sins against the people, why not bring it to the Senate,” hamon pa ni Sereno sa mga miyembro ng House committee on justice na nag-iimbestiga sa mga nasabing reklamo.
“Give me my day at the Senate,” diin niya, “instead of having this additional terribly injurious spectacle where courts and Judicial and Bar Council (JBC) officials are being threatened with administrative and criminal cases.”
Matatandaang nagbanta ang impeachment complainant na si Atty. Lorenzo Gadon na kakasuhan ang ilang opisyal ng SC at JBC bilang kasabwat sa umano’y mga nagawang paglabag ni Sereno.
Sinimulan nitong Huwebes ni Sereno ang kanyang dalawang linggong indefinite leave para paghandaan ang impeachment trial sa Senado.
Nahaharap sa impeachment si Sereno para sa sinasabing paglabag nito sa Konstitusyon, kurapsiyon at betrayal of public trust, na mariin na niyang itinanggi.
Sa susunod na linggo, inaasahang pagbobotohan ng justice committee ng Kamara kung may basehan na iakyat ang reklamo sa Senado para sa paglilitis.
Habang naka-leave si Sereno, magsisilbing acting Chief of Justice si Senior Justice Antonio T. Carpio.