Ni Tara Yap
Binatikos ng ilang konsehal ng Iloilo City ang Metro Iloilo Water District (MIWD) dahil sa pagsusulong na maitaas ang singil sa tubig sa nasabing lungsod.
Idinahilan ni Iloilo City Councilor Joshua Alim ang kawalan ng public consultation ng MIWD sa nasabing hakbang.
Sumuporta rin sa hakbang ng konseho ang Panay Consumers’ Alliance (PCA).
Kamakailan, nagharap ng petisyon sa Local Water Utilities Administration (LWUA) ang MIWD na humihiling na gawing P20.00 per cubic meter ang singil sa tubig mula sa dating P15.90.
Nagtakda umano ng public consultation ang MIWD nitong Pebrero 23.
Paliwanag naman ni Councilor Leone Gerochi, chaiman ng Committee on Public Utilities, hindi ipinaalam sa konseho na magkakaroon ng public hearing.
Nagpahayag din ng pangamba ang mga opisyal ng Iloilo City dahil desidido ang MIWD na matuloy ang pagtataas ng singil sa tubig matapos itong pumasok sa isang joint venture sa MetroPac Water Investments Corp. (MWIC).