Ni Orly L. Barcala
Nasa 93 katao, kabilang ang tatlong lalaking naaktuhan umanong bumabatak ng shabu, ang dinampot ng mga tauhan ng Caloocan City Police sa ikinasang “One Time Big Time” operation sa lungsod, nitong Huwebes ng gabi.
Pasado 10:00 ng gabi nang sinalakay ng mga awtoridad, katuwang ang mga tauhan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), ang Barangays 176, 170, 177, 174 at 175 sa North Caloocan, at dito pinagdadampot ang 65 nadatnan na nag-iinuman sa kalsada, tatlo ang walang damit pang-itaas, at 11 ang menor de edad na lumabag sa curfew.
Hindi nagawang pumalag nang dakpin ng mga pulis sa gitna umano ng pot session sina Eduardo Sera, 37; Johnny Selesana, 42; at Mel Yambao, 37, pawang ng Bgy. 176 Bagong Silang, at nahaharap sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165).
Inaresto rin si Richard Regalado, 32, makaraang mahuli sa pagnanakaw sa isang bahay habang dalawa pang indibiduwal ang dinakip sa bisa ng warrant of arrest.
Bukod dito, diretso sa impounding area ng pulisya ang 28 sasakyan habang walong motorista ang nahuli sa pagmamaneho nang walang lisensiya.
Kaagad namang pinakawalan ang mga lumabag sa ordinansa matapos silang sermonan at bigyan ng final warning na sasampahan sila ng kaukulang kaso kapag nahuling muli sa parehong paglabag.