Ni NORA CALDERON
MAY kurot sa puso ang post ni Kapuso Girl sa Instagram na kuha kina Isabelle de Leon at Jiro Manio.
After 15 years ay ginaya nina Isabelle at Jiro ang poster ng kanilang internationally-acclaimed film na Magnifico.
Ginawa nila ang Magnifico noong 11 years old pa lang si Jiro, 2003.
Pareho pang paslit sina Isabelle at Jiro noon. Magkapatid ang role nila sa istorya, may sakit si Isabelle at hindi nakakalakad pero gustong pumunta sa perya. Kaya kinarga siya ni Jiro sa likod para makapamasyal ang kapatid.
Tiyak na kukurutin ang puso ng millennials ngayon kung mapapanood nila ang pelikulang ito na idinirihe ni Maryo J. delos Reyes na pumanaw kamakailan.
Marami nang nangyari sa buhay ni Jiro simula noon, at hindi naman lihim ang naging buhay niya nang malulong siya sa drugs. Maraming beses na siyang nagpa-rehabilitate at nitong huli nga ay tinulungan siyang makabangon ni Ms. Ai Ai delas Alas. Sinubukan din ni Jiro na bumalik sa showbiz pero hindi siya nagtagumpay. Mas pinili niyang bumalik sa rehabilitation center sa kagustuhang tuluyang mabago ang sarili niya. May balitang tumutulong na lamang si Jiro ngayon sa rehab center at kung kailangan mang lumalabas ay bumabalik pa rin siya.
May mga sumubok nang kumbinsihin si Jiro na balikan uli ang showbiz, pero sabi raw nito ay mas gusto na niya ang buhay niya sa rehab, na nakatutulong siya sa mga pasyente nila roon.
Kaya nang minsang magkita sina Jiro at Isabelle, ginaya nila ang movie poster nila pero sa halip na si Isabelle ang karga ni Jiro, ang binata ang kinarga ng dalagang isa na sa mga itinuturing na mahusay na actress sa GMA-7. Ang last niyang serye ay ang Super Ma’am ni Marian Rivera.
Wish namin na natagpuan na nga ni Jiro ang kaligayahan sa pagtulong sa mga kapwa niya naghahangad makabalik sa tamang landas ang buhay.