Ni MARY ANN SANTIAGO

Pinayuhan ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) ang mga motorista laban sa nauuso ngayong modus operandi ng ilang kawatan na tinagurian nilang o “Talakbu” o “Taho-Lako-Bundol”.

Ito ang payo ni MPD Spokesman Supt. Erwin Margarejo kasunod ng pagba-viral sa social media ng video ng isang taho vendor na makikitang naghihintay ng magarang sasakyan at nang makatiyempo ay sadyang ibinangga ang katawan sa behikulo at nagkunwaring nabangga siya nito.

Ayon kay Margarejo, modus operandi ng mga naturang kawatan na magkunwaring nabangga ng motorista at kalaunan ay magpapaareglo na lamang sa driver kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso.

National

De Lima, nag-react sa pahayag ni Espinosa na si Bato nag-utos na idiin siya sa illegal drugs

Hinikayat pa ni Margarejo ang mga motorista na maglagay ng dashcam sa kanilang mga sasakyan, at huwag papayag sa “areglong kalye”.

Mas makabubuti, aniya, na tumawag ng traffic investigator para ma-assess ang sitwasyon at maimbestigahan ito.

Kung talaga aniyang may tinamong sugat ang sinasabing nabundol, dapat itong dalhin sa pagamutan dahil doon matutukoy kung ito ay nagpapanggap lang o talagang may injury.

Dagdag pa ng tagapagsalita ng MPD, hindi dapat na magbigay kaagad ng pera sa mga sinasabing nabundol, dahil ang ganitong gawa ay mistulang panghihikayat sa kanila na ulit-ulitin sa kalye ang naturang modus operandi.

Binalaan naman ni Margarejo ang mga naturang kawatan na maaaring kasuhan ang mga ito ng deceit o panlilinlang.