Ni Malu Cadelina Manar
KIDAPAWAN CITY - Nangangamba ngayon ang kaanak ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa Maguindanao para sa kanyang kalagayan, dahil comatose siya ngayon sa isang pagamutan sa Kuwait, batay sa post sa Facebook account ng isang Pinay nurse.
Ayon sa FB user, ipinaskil niya ang video ng Pilipinang domestic helper upang ipabatid sa mga kaanak nito ang sitwasyon nito.
Kinilala ang Pinay DH na si Norisa Manambit, 36, mula sa Barangay Kauran, Ampatuan sa Maguindanao.
Inihayag naman ni Lady Mae Besa, sa panayam ng DXND, na nalaman lang niya ang kaso ng kanyang tiyahin sa pamamagitan ng kanyang mga kaibigan sa Facebook.
Ayon kay Besa, nawawla ang kanyang tiyahin simula nitong Enero at huli nitong nakausap noong huling mga buwan ng 2017.
Aniya, umalis sa bansa ang kanyang tiyahin noong 2017 upang magtrabaho bilang kasambahay sa Daman sa Saudi Arabia at ikinabigla nila nang malamang comatose ito sa isang ospital sa Kuwait.
“How can that be? We were so sure she went to Daman, Saudi Arabia. How did she arrive in Kuwait?” tanong ni Besa.
Aniya, nitong Enero ay nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan ni Manambit at ng amo nito matapos umanong mahuli sa aktong gumagamit ng cell phone.
Nauwi umano sa sakitan ang nasabing pagtatalo kaya tumawag ng mga pulis ang employer at ipinakulong si Manambit sa Daman.
“But when friends visited my aunt in Daman Prison, they did not find her there,” ani Besa.
Matapos mabatid ng kaanak ang insidente, agad silang humingi ng tulong sa agency ni Manambit dito sa Pilipinas, subalit isang umano’y empleyado roon ang nagsabi sa kanila na huwag i-report ang insidente sa ano mang media outlet o sa gobyerno ng Pilipinas habang nagsasagawa sila ng follow-up sa kaso ni Manambit.
“But weeks had passed and we were not given yet the information that we need to appease us. The agency has promised to update us of my aunt’s case. But until now, they would only give us false promises,” diin nito.
Tiniyak din ni Besa na dokumentadong manggagawa si Manambit.