Ni Argyll Cyrus B. Geducos

Ipinagtanggol ng Malacañang ang pagdalo ng malaking bilang ng mga miyembro ng Gabinete sa pagdinig ng Senado sa kontrobersiyal na P16.7-bilyong frigate deal.

Aabot sa 10 presidential appointee ang namataan sa Senado upang sumuporta kay Special Assistant to the President (SAP) Christopher “Bong” Go, na humarap sa pagdinig makaraang akusahan ng pakikialam sa nabanggit na proyekto ng Department of National Defense (DND), partikular sa pagpili ng supplier ng Combat Management System (CMS) ng dalawang frigate ng Philippine Navy.

Iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na boluntaryo ang pagdalo ng mga opisyal sa Senate inquiry upang ipakita sa publiko na “wala talagang itinatago ang pamahalaan”.

Internasyonal

Dating posisyon ni Pope Leo XIV, ipinasa kay Cardinal Tagle

Binigyang-diin ni Roque na sumasagot lamang siya sa pang-aasar ni Senator Francis Escudero na nagsabing, “wala nang naiwan sa Malacañang dahil nagtungo silang lahat sa Senado”.

“All I can say is wala po talagang natira sa Malacañang. Lahat po kaming nasa Malacañang nandoon sa Senado and for good reasons. Kami lang naman po magkakasama. Kami lang naman nagkikita dito so natural na kung ‘yung isa ay merong pagsusubok, magpapakita ka ng suporta. Anim lang kaming magkakasama dito sa Malacañang. So, as expected ‘yung anim naman nandoon,” paglilinaw ni Roque.

Sa katunayan, aniya, isinasailalim nila (Cabinet members) sa diskusyon ang sinasabing “pakikialam” dahil ini-refer na nila ang reklamo sa mga ahensiyang may kinalaman sa usapin.

“All of us do that. Pero hindi naman ibig sabihin na porke ni-refer namin sa line agency ay nanghihimasok kami,” ayon sa kanya.

Wala rin aniyang nag-utos sa mga miyembro ng Gabinete na dumalo sa hearing sa Senado.

“Wala pong nagre-request sa amin. Pero siyempre nagpapakita kami ng pagkakaisa dito kay SAP Bong Go. Ito ay pagpapakita ng suporta at pagpapakita ng mensahe na wala pong itinatago ang administrasyon ni Presidente Duterte,” dugtong pa nito.

Bukod kay Go, dumating din sa Senado sina Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, Defense Secretary Delfin Lorenzana, Foreign Affairs Secretary Alan Cayetano, Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, at Budget Secretary Benjamin Diokno.

Sumipot din sina Energy Secretary Alfonso Cusi, Labor Secretary Silvestre Bello III, Presidential Political Adviser Francis Tolentino, Solicitor General Jose Calida, at Cabinet Secretary Leoncio Evasco Jr.

Naroon din sina PCOO Assistant Secretary Margaux Uson, Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board Member Sandra Cam, Bases Conversion and Development Authority (BCDA) Chairman Vince Dizon, at Labor Undersecretary Jing Paras.