July 26, 2026

Home BALITA

MANIBELA, magkakasa ng transport strike ngayong Hulyo 22-23, 2026

MANIBELA, magkakasa ng transport strike ngayong Hulyo 22-23, 2026
Photo courtesy: MANIBELA


Inanunsyo ng grupong MANIBELA nitong Martes, Hulyo 21, na sila ay magkakasa ng isang 2-day transport strike simula sa Miyerkules, Hulyo 22 hanggang Huwebes, Hulyo 23.

Sa isang Facebook post na ibinahagi ng MANIBELA, idiniin nilang hindi puwedeng manahimik ang sektor ng transportasyon sa gitna umano ng pagpapabaya ng energy department hinggil sa pagtaas ng presyo ng langis.

“Hindi na maaaring manahimik ang transport sector habang tila pinababayaan ng Department of Energy (DOE) ang sunod-sunod na oil price hike na nagpapalubog sa kabuhayan ng mga tsuper at ordinaryong Pilipino,” saad ng MANIBELA.

Anila, “Sa halip na mahigpit na bantayan at papanagutin ang mga oil companies, nagiging kuntento na lamang ang DOE sa pagpapaliwanag ng bawat pagtaas ng presyo. Ngayon, may mga ulat pa ng mga gasolinahang naubusan ng suplay bago ang big time oil price hike. Nararapat itong agarang imbestigahan!”

Anang transport group, hindi raw sila ang dapat na mag-adjust—kasabay ang pag-apelang panagutin ang DOE at mga kompanya ng langis hinggil sa nabanggit na isyu.

“Dahil sa patuloy na kabiguan ng DOE na protektahan ang interes ng publiko at sa hindi pa rin pagpapatupad ng fare increase, magsasagawa ang MANIBELA ng 2-day transport strike sa Miyerkules at Huwebes July 22-23 2026. Hindi na kami ang dapat mag-adjust. Panahon nang managot ang DOE at ang mga oil companies!” pagtatapos ng MANIBELA.

Photo courtesy: MANIBELA/FB

Probinsya

Tatay at kapatid, rumesbak sa away ng mga estudyante sa loob ng eskwelahan!