Bumanat si National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag na malayo raw sa kahulugan ang acronym ng itinayong RAGE coalition sa pangunguna ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte.
Bago nito, nauna na kasing ipanood sa Senate impeachment trial nitong Martes, Hulyo 21, 2026, ang video clip mula sa isinagawang RAGE coalition nina Mayor Baste at pagbabanta umano nitong wala silang ibang kailangan kundi ang ulo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., noong Abril 12, 2026.
Sa pagpapatuloy ng proceeding, kinuwestiyon ng Korte kung nalalaman ba raw ni Matibag ang kahulugan ng koalisyon “RAGE” nina Mayor Baste.
“Sa Tagalog po niyan ay galit o poot. ‘Yon po,” ani Matibag.
Urirat naman ng presiding officer na si Senator-Judge Chiz Escudero: “Wala pong acronym ‘yon, Director Matibag?”
Paliwanag ni Matibag, hindi raw tumutugma sa acronym na R-A-G-E ang kahulugan ng naturang koalisyon dahil nakasaad raw kasi na “Reform Alliance for Good Governance…” ang binuong samahan noon nina Mayor Baste.
“Hindi po kasi tumutugma doon sa acronym nila. Dahil ‘yong acronym nila, ‘Reformed Alliance for Good Governance.’Hindi po RAGE, e. Medyo malayo po,” aniya.
Pagpapatuloy naman ni Matibag, umabot daw sa mahigit 691,000 views ang naturang live ng Rage coalition nina Mayor Baste noon at malawak daw ito na resulta sa paghahasik ng pagkaligalig at pagbabanta sa kaayusan ng bansa.
“Sa live broadcast, lumabas na nasa 691,000… Ganoon na po kalawak ‘yong naging resulta ng paghahasik ng ligalig at pagbabanta sa kaayusan, pati na rin sa seguridad ng ating Pangulo,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Bira ni Sen. Erwin sa mga kapwa senador: Impeachment trial, hindi 'right forum' sa personal na problema!
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Alan, binanatan si Sen. Erwin; Tito Sen, rumesbak!