Tumirada si Senator-Judge Erwin Tulfo para sa mga kasamahan niyang senador na ginagamit umano ang oras ng Senate impeachment trial para ipagtanggol ang kanilang mga sarili sa mga pampersonal nilang problema at mga isyu.
Sa naging pahayag ni Tulfo sa pagsisimula ng ikapitong impeachment trial nitong Lunes, Hulyo 20, 2026, idiniin niyang itinatag daw ang Senate impeachment court para litisin kung may kasalanan o walang kasalanan si Vice President Sara Duterte sa mga alegasyong ibinabato rito.
Ani Tulfo, napansin daw niya nitong mga nagdaang araw na nagagamit lang daw ang oras ng impeachment trial ng mga kapuwa niya senador, na hindi niya tinukoy kung sino, upang ipagtanggol ang kanilang sarili.
Bago ni Tulfo, nauna munang maghayag ng manipestasyon si Senator-Judge Robin Padilla sa impeachment court upang linawin sa publiko na nagsumite raw siya ng kaniyang counter-affidavit sa Office of the Ombudsman kontra sa kasong obstruction of justice na isinampa laban sa kaniya.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin, tumirada sa media dahil sa ‘di umano niya pagsunod sa batas
“Kung tayo ay may mga kaso, may mga imbestigasyon, this is not the right forum… this is not the right place. This Court was established, was created for the Vice President and for the Vice President only,” tirada ni Tulfo.
Diin pa niya, “This should be her time, this should be her forum, not our forum here na ilabas natin ang saloobin natin, mga sagot natin sa mga akusasyon, mga kaso laban sa atin.”
Pakiusap ni Tulfo, huwag na raw payagan nina presiding officer at Senator-Judge Chiz Escudero, at Senate President Sherwin “Win” Gatchalian ang mga usaping walang kinalaman sa impeachment trial.
“Pakiusap ko lamang sana… let us follow the rules. Kung hindi naman patungkol sa Vice President ang sasabihin natin, hindi naman patungkol sa depense o prosekusyon ng Bise Presidente natin then ‘wag na po nating payagan,” saad niya.
Pagpapatuloy ni Tulfo, nagiging hindi lang daw makatarungan para kay VP Sara tuwing nasasayang mga minuto o oras sa impeachment trial para sa mga pampersonal na problema ng mga kapuwa niya Senator-Judge.
“Bring it somewehere else, bring it to the press, bring it to the social media, but not here,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: 'Ilalaban ko na ito!' Sen. Alan, haharapin isyu ng 2019 SEA Games laban sa kaniya