July 23, 2026

Home BALITA National

Sen. Robin, tumirada sa media dahil sa ‘di umano niya pagsunod sa batas

Sen. Robin, tumirada sa media dahil sa ‘di umano niya pagsunod sa batas
Photo courtesy: Senate of the Philippines

Sinagot ni Senator-Judge Robin Padilla ang umano’y pakikiisa ng media sa propagandang nagpapakita na hindi raw siya sumusunod sa batas kaugnay sa hindi niya pagpapasa ng counter-affidavit sa Office of the Ombudsman. 

Matatandaang hanggang noong Hulyo 15, 2026, lang ang ibinigay na palugit ng Office the Ombudsman kina Padilla at kapuwa niya senador na si Sen. Alan Peter Cayetano upang makapgsumite sila ng kanilang counter-affidavit kontra sa kasong obstruction of justice na isinampa ng koalisyong Tindig Pilipinas laban sa kanila. 

Samantala noong Hulyo 17, kinumpirma mismo sa publiko ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na hindi raw sila nakatanggap ng tugon mula kay Padilla, habang nakapagsumite naman si Cayetano sa araw mismo na itinakda ng Ombudsman. 

Kaugnay ito sa naging pagtulong umano ni Padilla sa pagtakas ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa pagtugis ng mga awtoridad noong madaling-araw ng Mayo 14, 2026.

KAUGNAY NA BALITA: Ombudsman Remulla kay Sen. Padilla: 'He chooses to ignore the Ombudsman, so be it!'

National

Sen. Robin Padilla, nilinaw 'one-sided' remarks niya sa prosekusyon

Sa naging manipestasyon naman ni Padilla sa muling pagsisimula ng Senate impeachment trial nitong Lunes, Hulyo 20, sinabi niyang nalulungkot daw siya dahil sa mabilis na pagkalat ng mga balitang hindi sumusunod sa batas ng Pilipinas ang isang senador o Senator-Judge na katulad niya. 

Ani Padilla, hindi raw totoo ang sinabi ni Remulla na hindi siya nakapagsumite ng kaniyang counter-affidavit at ipinakita pa niya ang orihinal na kopya nito sa impeachment court. 

“Inaamin ko sa inyo, kung ICC lang, hindi po talaga ako sususnod. Hindi ako magpapasakop sa ICC. Pero dahil ginagalang ko po ang Ombudsman, dahil siya po ay aking kaibigan na itinuturing… nag-file po kami. Ito po, hawak ko po ang orihinal, dahil sa akin po importante ang original,” aniya. 

Buwelta ng senador, nalulungkot daw siya dahil tila sumasabay daw ang media sa mga klase ng propaganda na hindi siya sumusunod sa batas. 

“Nakakalungkot na pati ang media ay nakikisama sa ganitong klase ng propaganda na ang isang senador ay hindi sumusunod sa batas…” ‘ika niya. 

Pagpapatuloy ni Padilla, humingi siya ng tulong sa mga kapuwa niya senador upang ipaliwanag daw sa media na huwag siyang husgahan at sabihing hindi raw siya sumusunod sa batas. 

“Ako ay nag-submit ng aking counter-affidavit. Humihiling din po ako sa aking mga kasama, lalong-lalo na sa aking kaibigan, Ginoong Pangulo, na sa mga ganitong pagkakataon hinihiling ko po na tulungan din n’yo kami,” saad niya. 

“Na maipaliwanag din po namin sa media na meron din po kaming mga pagkakataon na ipagtanggol ang aming sarili at kami ay huwag husgahan kaagad na kami’y hindi sumusunod sa batas,” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: Ombudsman, natanggap na counter-affivadit ni Cayetano vs obstruction of justice!