Ni Reggee Bonoan
TULUY-TULOY pang mapapanood ang FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco Martin at taliwas ito sa nasulat namin dati na magtatapos na ito ngayong Pebrero base sa narinig namin sa production noong nakaraang taon.
Kaya pala walang pormal na announcement ang Dreamscape Entertainment kasi may desisyon ang management na itodo pa ang serye.
Itinanong namin sa top executive ng Dreamscape Entertainment na si Deo T. Endrinal sa celebrity screening ng Meet Me in St. Gallen kung magtatapos na nga ba ang FPJ’s Ang Probinsyano ngayong buwan.
“Ha? Wala naman kaming sinasabing magtatapos na, saan mo narinig?” balik-tanong ni Sir Deo. “Basta ang mga artista sa Probinsyano naka-block sila hanggang July, alam nilang lahat ‘yun. Ang dami pang mangyayari, abangan mo.”
May mga bagong karakter bang papasok sa programa?
“Meron, marami pa, pero hindi ko sasabihin sa ‘yo kasi isusulat mo,” pabirong sagot ng bossing ng Dreamscape.
Ha-ha-ha, ‘kaloka, Bossing DMB, ayaw ni DTE na maka-scoop tayo kaya wait na lang natin kung sinu-sino sila na ang sabi ay, “mga sikat.”
Sabi namin, mahirap tapusin ang programang napakataas ng ratings at maraming ads na pumapasok. Marahil nga kung hindi lang miyembro ng KBP ang ABS-CBN ay malamang na puro TVC na ang mapapanood sa rami.