Ni Anthony Giron

BACOOR, Cavite - Kalunus-lunos ang sinapit na kamatayan ng isang magkapatid na bata nang hindi na sila makalabas mula sa nasusunog nilang bahay sa Bacoor, Cavite, kahapon.

Magkatabi pa ang bangkay nina Anna Mae Chavit, 6, at Armando Chavit, 4, nang matagpuan ng mga bombero, ngunit hindi na makilala dahil sa sobrang pagkasunog.

Ang insidente, ayon kay SFO2 Emmanuel Arcalla, ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Bacoor, ay sumiklab sa dalawang palapag na ginagawang bahay sa Figueroa Lane-Cuneta Compound sa Barangay San Nicolas, dakong 1:09 ng madaling-araw.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Sa paunang imbestigasyon, binanggit ni Arcalla na umalis ang mga magulang ng magkapatid at ipinagkatiwala ang mga ito sa tiyahin nila, ilang oras bago ang insidente.

Natuklasan ng mga imbestigador na matagal nang kasama ng dalawang bata ang kanilang mga magulang sa Aragon Compound sa nabanggit ding barangay, habang ang apat pa nilang kapatid ay madalas namang iniiwan sa pangangalaga ng kanilang tiyahin.

Gayunman, bago mangyari ang insidente ay magkakasama silang natulog sa isang kuwarto.

Sinabi ni Arcallana na posibleng ang iniwang nakasinding kandila ang sanhi ng sunog.

Matagal na rin aniyang gumagamit ng kandila ang mga nakatira sa bahay matapos na maputulutan ng kuryente ang pamilya dahil sa hindi pagbabayad.

Hindi pa natutukoy ng mga imbestigador ang halaga ng natupok na ari-arian habang sinusulat ang balitang ito.