Ni LIEZLE BASA IÑIGO

DAGUPAN CITY - Dinakma ng magkasanib na puwersa ng Paoay Police at Ilocos Norte Police Provincial Office (INPPO) si dating Paoay Mayor Dolores Clemente at lima pang katao kabilang ang dalawa nitong civilian guard sa isang farm sa Barangay San Roque sa Paoay, Ilocos Norte kahapon.

Ayon kay Chief Insp. Grandeur Tangonan, hepe ng Paoay Police, inatasan silang isilbi ang search warrant laban kay Clemente.

Paglalahad ni Tangonan, bago pa nila maaresto ang dating alkalde ay hinarang sila ng mga tauhan nito at pinagbawalan silang papasukin sa farm, sa kabila ng ipinakita nilang search warrant.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

“We are about to have forcible entry and warned them on obstruction of justice when two of them ran away,” sabi ni Tangonan.

Sa naturang operasyon, nakasamsam umano ang pulisya ng ilang matataas na kalibre ng baril, na kinabibilangan ng isang M16 rifle (Ghalil); isang M16 rifle (Colt) na may kargadong magazine at isang mahabang loaded magazine na may mga bala rin; isang caliber 380 Berreta na may apat na magazine, na may 380 bala; isang .45 caliber pistol na may loaded magazine; dalawang 12-gauge shotgun na may mga bala; isang magazine assembly ng M14 rifle; tatlong holster ng mga pistol; isang gun case ng Berreta; at iba’t ibang uri ng bala.

Nasa kustodiya na ng INPPO si Clemente, na kinasuhan ng illegal possession of firearms, habang obstruction of justice naman ang isinampa laban sa dalawa sa mga bodyguard nito.